POSIBLENG sa loob ng tatlo hanggang apat na araw pa bago maibalik ang isandaang porsiyentong serbisyo ng tubig at kuryente sa Metro Manila at iba pang kalapit nitong lugar na labis na hinagupit ng bagyong Ulysses.
Target ng Department of Energy na maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na hanggang ngayo’y nakararanas ng brownout hanggang Nobyembre 15 o sa darating na Linggo.
Sa katunayan, ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, nagtutulong-tulong na ang linemen partikular ng Meralco para sa tinatarget na total power restoration sa susunod na tatlong araw.
Aniya, “as of 6am kahapon,” tinatayang nasa mahigit 5,000 pang Meralco customers ang nananatiling walang suplay ng kuryente mula sa dating mahigit isang milyon.
May 4,000 linemen ng nasabing electric company, ani Cusi ang nagtatrabaho 24/7 habang nagpapatuloy rin naman aniya ang assessment ng NGCP sa mga nasirang transmission lines.
Kaugnay ng naranasan at nararanasan pang brownout sa ilang mga lugar, ipinaliwanag ng kalihim na sadyang nagpatay ng kuryente ang Meralco for safety reason.
Ayon naman kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, minamadali na nila ang pagsasaayos sa mga pasilidad nilang sinira ng malakas na hangin at ulang dala ng bagyo.
“Talagang ‘yung damage sa aming facilities pati ‘yung impact sa aming mga linya, mga transformer, mga poste and it came to a point na ‘yun nga, inabot ng almost 3.8 million customers ‘no. Yung baha, hindi tayo maka-restore agad. So we will try. Pero ‘yung mga ganitong cases kasi inaabot usually dati ng ilang linggo, so hopefully ito before one week,” ani Zaldarriaga sa isang panayam sa radyo.
Kaugnay nito, maaari namang makaranas ng mahina hanggang sa walang suplay ng tubig ang ilang lugar sa Kamaynilaan at mga karatig nitong siyudad at bayan.
Ito ay dahil sa kulay tsokolateng tubig na nagmumula sa ipo dam.
Ayon sa Maynilad, nagpapatupad sila ng rotational water interruption upang mabigyan ng tubig ang lahat ng apektadong customers ng ilang oras kada araw.
Patuloy na minomonitor ng Maynilad ang kalidad ng raw water mula sa Ipo Dam at agad ding ibabalik sa normal ang supply sa oras na bumuti ito. (CHRISTIAN DALE)
184