KALIWA DAM LOAN DEAL ILEGAL; Makabayan solons nanindigan

HINAMON ng Makabayan bloc  sa Kamara ang administrasyong Duterte na patunayang hindi lugi ang mga Filipino sa pinasok nitong kontrata sa China para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation na magmumula sa Quezon hanggang sa Tanay sa Rizal.

Nanindigan ang grupo na labag sa Konstitusyon ang loan agreement para sa naturang dam project na nagkakahalaga ng P12.20 bilyon.

Inilista ni Bayan Muna Rep. Isagani Carlos Zarate ang ilang ilegal  na probisyon sa kontrata kabilang ang 1) Article 5.7 na  nagsasaad na “Philippines or any of its assets, unless prohibited by the laws and public policies, are not entitled to any right of immunity on the grounds of sovereign or any legal process.; 2) Article 8.1, kung saan nakasaad na “Philippines irrevocably waives any immunity on grounds of sovereignty.; 3) Article 8.4, “agreement shall be governed by and construed in accordance with the laws of China.; 4) Article 8.5 na nagsasaad na ang Hong Kong International Arbitration Centre ang siyang magsasagawa ng arbitration sakaling magkaroon ng dispute; 5) Article 8.9 na nagsasaad na ang terms, conditions at standard fees ng loan agreement ay confidential.

Sa website ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay sinabi nitong onging na ang acquisition sa mga lupa na daraanan ng Tunnel Outlet Portal at nakikipag-ugnayan  na ito sa mga LGU ng Infanta, Real, General Nakar, Quezon Province, Tanay, Morong, Baras, Rizal Province at sa DENR subalit iginiit ni Zarate na dapat itong itigil ng gobyerno hanggang hindi naitatama ang mga ‘onerous provision’ sa kontrata na malinaw na hindi makabubuti sa mga Filipino.

Kinontra rin ni Zarate ang ibinebenta ng MWSS na ang pagtatayo ng Kaliwa Dam ang solusyon para maiwasan ang panibagong krisis sa tubig at tutugon sa malaking pagkukulang sa kapasidad ng Angat Dam na pangunahing pinagkukunan  ng tubig sa Metro Manila.

Ayon kay Zarate, maaaring resolbahin ang water crisis nang hindi kinakailangang magtayo ng dam na bukod sa malapit na sa fault line ay magdi-displace pa sa mga indigenous people at lulunod sa bansa sa panibagong foreign debt lalo at 2% ang interest rate sa uutangin sa China.

“These loans may just be two of the many secret loan agreements between the Philippines and China which could run in the billions. Why proceed when badges of irregularities attended the project?” ani Zarate.

Binira rin  ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang confidentiality clause sa Kaliwa Dam project. Ayon kay Colmenares, dahil sa confidentiality clause na ito ay hindi basta-basta magkakaroon ng access sa naging loan agreement.

Samantala, sinabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na malinaw na diskriminasyon sa mga katutubo ang pagtatayo ng Kaliwa Dam.

“Matagal nang inalagaan ng mga kapatid na Dumagat at Remontado ang Kaliwa river, at nanatiling malinis at malaya itong umaagos patungo sa iba’t ibang komunidad na nangangailangan ng tubig. Hindi rason na itayo ang Kaliwa Dam para sa dagdag na pangangailangan ng tubig sa Metro Manila at ilipat ang mga katutubo sa ibang lugar, kahit wala silang malinaw na kabuhayan, matayo lang ang proyektong pinondohan ng inutang sa China, habang libo-libong mamamayang katutubo at mga magsasaka ang maaapektuhan,” giit ni Cullamat.

Ani Cullamat, maaari namang kumuha ng dagdag na supply sa Wawa Dam at Laguna Lake kung kulang ang supply sa Angat Dam.

Nanindigan naman ang Department of Finance (DOF) na ang loan agreement na pinasok nito sa China ay maituturing na isa lamang normal na kasunduan gaya rin ng mga pinasok ng mga nakaraang administrasyon sa ibang mga bansa tulad ng Japan, Korea at France.

Buwelta  naman ni Colmenares sa DOF, tukuyin muna nito ang mga loan agreement sa ibang bansa na sinasabi nitong may mga confidentiality clause din.

“I challenge the DOF to name ten loans with countries other than China but with the same confidentiality clauses as the Kaliwa loan. If the DOF cannot find other loans with the same confidentiality clause as the Kaliwa loan, then the DOF should take back its usual statement that these are standard provisions and admit that such loans as the Kaliwa loan indeed are lopsided in favor of China’” pagtatapos ni Colmenares. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

197

Related posts

Leave a Comment