“Nais nating malaman kung ang Kaliwa Dam nga ba talaga ang sagot o magbibigay ng solusyon sa problema natin sa tubig sa Kalakhang Maynila.”
Ito ang ating maikling pahayag o naging reaksyon sa panayam ng ilang mamamahayag kaugnay sa naturang proyekto.
Mahigpit na tinutulan ng mga residente at lokal na opisyal ng ilang bayan sa Quezon maging ng karatig-lalawigan nito ang balak na pagtatayo ng Kaliwa Dam sa bayan ng Infanta.
Hindi rin kaila sa atin ang mariing pagtutol ng simbahan sa proyekto gayundin ang mga katutubong Dinagat na naninirahan sa bundok ng Sierra Madre kung saan ang lalawigan ng Rizal ay nasa paanan din ng nasabing kabundukan.
Ang dambuhalang dam na tinatayang aabot sa P18.7 bilyon proyekto na pangangasiwaan ng Official Development Assistance (ODA) mula sa China na inaasahang matatapos sa taong 2023 ay planong itayo sa tuktok ng bundok ng Infanta, Quezon upang makapagdagdag ng supply ng tubig sa Metro Manila.
Magugunitang nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na posibleng mauwi sa matinding krisis sa tubig ang Metro Manila kung hindi maitatayo ang Kaliwa Dam.
Hindi naman tayo direktang tumututol sa naturang proyekto kung ang taumbayan ang direktang makikinabang dito, subalit kailangan na busisiing mabuti kung tanging Kaliwa Dam nga lang ba ang solusyon sa kakulangan ng tubig sa Metro Manila.
Sa kabila ba ng sinasabing benepisyong makukuha mula rito ay may mga kaakibat ding agam-agam sa mga residenteng nakatira sa paligid ng pagtatayuan ng dam site.
Ang karaniwang tanong nila ay ganito: hindi ba sila malalagay sa peligro, hindi ba ito magdudulot ng matinding sakuna sa kanilang buhay at ari-arian kung sakaling lumindol ng malakas? Ito ang pinangangambahan ng lokal na opisyal ng pamahalaan at mga residenteng naninirahan sa paligid na pagtatayuan ng Kaliwa Dam.
Nais nating linawin, hindi tayo tutol sa pag-unlad at pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila subalit kung malalagay naman sa panganib ang mamamayan sa naturang lugar ay dapat na suriing mabuti bago ito simulan. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
363