KALSADANG WALANG SIRA, SINIRA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING nagtataka kung bakit winasak ng pribadong kontraktor ng gobyerno ang sementong kalsada sa gitnang bahagi ng Scout Rallos St., malapit sa Scout Ybardolaza St. sa Brgy. Sacred Heart, Quezon City.

Batay sa nakapaskil na tarpaulin, nakalagay ang tatlong ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DOF), sa lugar na may nakasulat na, ‘Improvement of Road, Brgy. Sacred Heart, Quezon City.’

Ang kontraktor ng proyekto ay ang YPR General Contractor and Construction Supply Inc. na nagsimula noong Pebrero 28, 2024.

Matatapos ang proyekto sa June 26, 2024 na may nakalaang pondong P48, 019, 879.40.

Ang implementing office ay ang Quezon City 2nd District Engineering Office na ang nasabing pondo ay nagmula sa GAA 2024.

Batay sa ating nakuhang impormasyon, ang pagbaklas ng mga semento sa bahagi ng kalye na malapit sa panulukan ng Scout Ybardolaza St. sa gitna ng Scout Rallos St. ay para hindi bumaha ang lugar sa panahon ng tag-ulan at para makadaloy raw umano ang tubig-baha sa drainage.

Pero, teka wala namang nakitang sira ang mga binaklas na semento na mahigit kumulang isang linggo nang nakatiwangwang sa kalsada.

Hindi rin daw binabaha ang lugar kung saan binaklas ang mga maayos pang semento sa kalsada.

Para lang masabing may ginagawang proyekto ang gobyerno laban sa pagbaha sa Metro Manila kaya kahit walang sira ang kalsada ay pinababaklas na nila, ganun ba ‘yon?

Ang daming pwedeng gawin na talaga nga namang wasak-wasak ang kalsada tulad ng bungad ng Commonwealth Avenue patungong Fairview, Quezon City, bakit inuna pa ang Scout Rallos na wala namang dapat ayusin?

Masuwerte ang kontratistang ito dahil nabigyan siya ng proyektong walang gaanong gagawin. Ang lakas ‘di ba?

Mismong mga residente at opisina kung nasaan ang naturang proyekto, ay nagtataka kung bakit binaklas ang semento na wala namang sira.

Bukod sa alikabok na dulot nito ay perwisyo rin ito sa daraanan ng kanilang mga sasakyan.

Natatandaan natin, nitong nakaraang pagtama ng Bagyong Carina at Habagat ay binaha ang malaking bahagi ng Metro Manila.

Sa kabila na kitang-kita ng mamamayan ang epekto ng nakaraang Bagyong Carina ay ipinagmalaki pa ng BBM administration na mayroong 5,500 flood control ang gobyerno.

Bakit mistulang dagat na ang malaking bahagi ng Metro Manila dahil sa tubig-baha?

Nasaan ang ipinagmamalaki n’yong 5,500 flood control?

oOo

Para sa sumbong at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

138

Related posts

Leave a Comment