ISINAILALIM sa isang linggong lockdown ang Batasan Pambansa Complex upang maiwasan na kumalat ang Omicron variant sa mga empleyado at miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang kinumpirma ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza sa mga kagawad ng media kahapon.
“We are currently under lockdown to prevent the spread of the Omicron variant, to ensure the safety of our members and House secretariat and employees. We will resume operations next week,” ani Mendoza.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng mga impormasyon na mahigit 50 empleyado ng Kamara ang nagpositibo sa antigen test noong Lunes.
Naging patakaran na ng liderato ng Kamara na isailalim sa antigen test ang kanilang mga empleyado at maging ang mga kongresista upang masiguro na walang dalang virus ang mga ito.
Nabatid mula sa mga impormante na ilan sa mga nagpositibo sa antigen test ay nagpositibo rin sa RT-CPR test. (BERNARD TAGUINOD)
