PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAY mga bulong-bulungan na bumaha raw ng pera sa House of Representatives o Kamara noong huling sesyon nila kung saan tinalakay ang impeachment complaint laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Limpak-limpak na salapi raw ang kumalat sa Kamara para lang makabuo ng 215 pirma mula sa mga kongresista pabor sa pagpapatalsik sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa Bayan ni Juan dela Cruz?
Dahil sa umugong na bulong-bulungang ito ay nananaginip tuloy ako na may pera raw akong natanggap dahil isa rin daw akong kongresista sa aming lugar. Akala ko totoo nang milyonaryo na ako paggising sa umaga noong isang araw, ‘yun pala ay hindi totoo. Sayang! Pera na naging bato pa?
Lalong pinagdudahan na may perang kapalit ang mga pirma laban kay VP Sara nang may mga humabol pa rin daw na mga kongresista na pumirma sa impeachment.
Hindi na bago ‘yang mga isyu ng bigayan ng pera sa tuwing nagkakaroon ng impeachment, maging sa panahon ng pagpapatalsik kay dating President Joseph “Erap” Estrada at kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, ay pumutok na rin ‘yan, subalit hanggang ngayon ay wala pa ring kongresista na umamin at napatunayang tumanggap sila ng milyon-milyong piso na bigay mula sa pamunuan ng Kamara. Ganoon pa man, may mga nagsasabi na kung may usok ay may apoy.
Sa akin naman, hindi lahat ng usok ay nanggagaling sa apoy, may usok din na nagmumula sa yelo o snow, pero ang mahalaga ay may pinagmumulan.
Ang mga bulong-bulungang ito ay itinanggi ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na may kapalit na ayuda sa pagpirma ng mga kongresista pabor sa 4th impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Ito’y sagot sa isiniwalat ng chair ng Duterte Youth Party-list na si Ronald Cardema na may pondo umanong ipinakita sa mga congressman subalit ‘for later release’ o FLR kaya nagpirmahan ang mga ito sa impeachment complaint.
Ayon kay Cardema sa isang radio interview, ang balita niya ay may pondo na nakalagay na ‘for later release’ (FLR) na ang ibig sabihin ay isang conditional release of funds. “So, if you have promised millions or hundreds of millions of funds and you do not commit yesterday baka hindi ma-release ‘yan kasi for later release ‘yan. FLR ‘yan. May mga ipinapangako kahapon for later release.”
Itinanggi rin sa isang press conference ng isa sa 11 impeachment prosecutors na si Rep. Rodrigo Gutierrez, ang nabanggit na alegasyon at inaasahan na umano nila na kakalat ang ganitong uri ng misinformation at disinformation matapos ma-impeach si Duterte.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adion, “Ito po ay nagsimula na po ang smear campaign sa prosesong ito, actually ako personally, I actually expect that a lot misinformation and fake news would be coming out after the filing of the complaint”.
Lalo pang umugong na may kapalit ang pagpirma ng mga kongresista sa impeachment complaint nang lumabas ang isang post diumano ni Cagayan de Oro City Rep. Lordan Suan na nagpapaliwanag sa kanyang mga constituent sa pagpirma nito.
“…to my supporters, I know you stand with me. Rest assured na ayuda is coming,” ang post na ito ni Suan ay itinanggi ng mambabatas, ayon kay Rep. Adiong.
“Well, yes kanina pong umaga, nakausap ko po, nakausap po namin si Congressman Lordan Suan, unang-una po, dine-deny po niya categorically na hindi po ‘yan totoo. Isa po ‘yan sa paraan na sinasabi ko ng mga fake news,” paglilinaw pa ni Adiong.
Binanggit pa ng mambabatas na hindi umano sila magpatitinag sa mga fake news na aniya’y inaasahang lalala pa sa susunod na mga araw at ipagpapatuloy nila ang kanilang mandato.
Kung totoo man ‘yan o hindi, abangan na lang ang susunod na mga pangyayari.
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)