AT YOUR SERVICE ni Ka Francis
BUTI naman napag-isipan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi patas na ang napakaraming mga sasakyan ay nagsisiksikan sa pangunahing mga kalsada, habang sa EDSA Bus Lane ay pili lamang ang nakadaraan.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang maaaring dumaan lamang sa Bus Lane ay mga Public Utility Bus (PUB), ambulansya at iba pang pang-emergency na sasakyan.
Ang planong pag-alis sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Bus Lane ay para lumuwag ang espasyo sa mga pangunahing kalsada.
Kinumpirma ni MMDA Chairperson Romando Artes, ang pag-phaseout sa EDSA Bus Lane ay tinalakay sa isang pulong na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Malakanyang, noong nakaraang Martes.
Ang panukalang ito ay sa gitna ng ginawang pagpapalawak ng Department of Transportation (DOTr) sa kasalukuyang kapasidad ng Metro Rail Transit (MRT).
Sinabi ni Artes sa press briefing sa Malakanyang, magdaragdag daw po ng isang bagon kaya panibagong 30 porsyentong karagdagan at inaayos na ‘yung infrastructure para ma-accommodate ‘yung mahabang bagon.
“Kung maka-accommodate naman sa taas, sa tren ‘yung mga pasahero, we don’t see the need na magkaroon pa ng bus kasi exactly the same route nga siya. In fact, mas bentahe pa nga ang train dahil mas marami siyang stops kaysa sa bus carousel,” ayon pa sa hepe ng MMDA.
Binanggit pa ni Artes na may panibagong suhestiyon na ang EDSA Bus Lane ay gawing “special lane” para magamit daw ng maraming sasakyan.
Ngayon kasi, ang maaari lamang dumaan sa EDSA Bus Lane ay mga bus, at emergency vehicles lamang.
Problemado na nga tayo sa rami ng mga sasakyan na dumaraan sa EDSA, tapos may inilagay pang lane na iilang sasakyan lamang ang maaaring makadaan.
Ibig sabihin, binawasan mo ang EDSA ng isang lane na iilan lang sila na dumaraan, at mas madalas ay nakatiwangwang lang ang kalsadang ito, samantalang ang private vehicles ay nagsisiksikan sa iilang lane lang.
Ang nangyari dito, pinaboran n’yo ang mga bus, subalit ang iba ay pinahirapan n’yo, dapat patas lang ang inyong pagtrato. Buti na lang walang nagkuwestiyon sa Korte Suprema sa legalidad ng pagpapatupad ng EDSA Bus Lane.
Kung naiakyat ‘yan sa Korte Suprema ay nagkaproblema pa kayo. May panibago naman kayong gustong ipalit sa EDSA Bus Lane, ang “special lane” na halos ganoon din ang mangyayari, bakit hindi n’yo na lang tanggalin ang mga ‘yan at pag-isahin na lang lahat ‘yan.
Sa akin pananaw, hindi solusyon na paghati-hatiin ang EDSA dahil lalo lamang nagdudulot ng matinding trapik ang mga ‘yan.
Ang maaaring makapagpaluwag sa EDSA ay palawakin ito sa pamamagitan ng widening o kaya ay maglagay ng mga alternate road at bawasan ang mga sasakyan na bumabaybay riyan.
Hindi solusyon na gawing “EDSA Bus Lane o Special Lane” ang isang bahagi ng kalye na ‘yan na dating tinawag na Highway 54.
Dapat noon n’yo pa inalis ‘yang EDSA Bus Lane, isang linggo pa lang ay nakita n’yo naman ang epekto niyan sa trapik sa highway na ‘yan.
Nakikita n’yo naman ang bilis ng mga sasakyan sa Bus Lane, samantalang ‘yung katabi nilang mga lane ay halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan dahil sa pagsisiksikan ng mga ito.
Nakadidisgrasya pa ‘yang road barrier na ‘yan na inilagay n’yo para sa paghihiwalay ng EDSA Bus Lane at ordinaryong lane. Esep-esep din minsan ‘pag may time!
oOo
Gusto ko lang magpasalamat sa pagtangkilik ng mga kababayan natin at sa suporta nila kina Kuya Marvin Pacia at Kuya Romano Aguilar, sa soft opening ng FC Scrap Trading na “Bodega Sale na, Bagsak Presyo pa!” ganoon din sa FCJ Chicken House sa pamimigay ng libreng chicken, pancit, spaghetti at mga meryenda. Siyempre salamat din kina Kuya Edd Taguim at Ate Pao-Pao.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)