KAMARA HANDS OFF SA COURT MARTIAL SA SO NI VP SARA

HINDI makikialam ang Mababang Kapulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at posibleng pag-court martial sa mga security officer ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, ipapaubaya ang isyu sa pamunuan ng AFP at walang plano ang Kamara na manghimasok dahil internal matter umano ito ng sandatahang lakas.

“Well, iyong AFP na siguro iyan. Naalala n’yo . . . Iyong sa AFP will lead with their own investigation. Parang they were policing their own. Nire-respeto po natin kung anong magiging resulta saka desisyon ng AFP patungkol d’yan,” punto ni Ortega.

Nadawit sa maling paggamit sa confidential funds ni Duterte sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sina dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) commander Colonel Raymund Dante Lachica at ang kanyang deputy commander na si Col. Dennis Nolasco sa maling paggamit ng confidential funds.

Sa pagdinig ng Kamara noong December 2024, sinabi ng mga disbursement officer ng OVP at DepEd na ibinigay ng mga ito sa dalawang opisyal ang pondo matapos nilang i-encash ito sa bangko.

Samantala, naniniwala si Ortega na posibleng na-master na umano ng grupo ni Duterte ang paggamit ng confidential funds dahil mas malaking pondo ang kanilang nagamit noong mayor pa ito ng Davao City.

“Well, tingin ko sanay na sila. Alam nila kung paano patakbuhin yung ganitong sistema. More specifically iyong sa confidential funds. Sinadya man o hindi, alam nila iyong gagawin nila. Iyon lang ang aking opinyon tungkol dito. May mastery na siguro,” ani Ortega.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil kung anu-anong pangalan na lamang ang inilagay ng grupo ni Duterte na recipient sa kanyang confidential funds at posibleng inakala na hindi ito makakalkal.

“Kung may mastery ka na nga, actually dapat mas madali mo na naipaliwanag sana pero baka kailangan pa nila mag-doctorate kung kulang iyong masters nila. Kasi nga big question mark po not only in the hearings but during the briefings pa,” ayon pa sa kongresista.

(PRIMITIVO MAKILING)

39

Related posts

Leave a Comment