KAMARA NAGPOSITIBO NA SA COVID-19

NAKAPAGTALA na ang mababang kapulungan ng Kongreso ng isang positibo sa coronavirus disease o COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni House labor and employment Chairman Eric Pineda sa mga mamamahayag sa Kamara habang isinasailalim sa disinfection ang buong Batasan Complex matapos iulat ang pagkakahawa ng isang empleyado nito.

“I just received a word that a staff from Printing Service tested positive for COVID-19,” ani Pineda na tila kumumpirma sa unang kumalat na impormasyon sa Kamara na may empleyado na nagpositibo sa nasabing virus.

Ang nasabing empleyado ay labas-masok sa ospital noong nakaraang taon dahil sa iba’t ibang karamdaman at bago ito natuklasang positibo sa COVID-19 ay naratay ito dahil sa community-acquired pneumonia.

Wala rin umano itong history na nagbiyahe sa mga bansa na may confirmed COVID-19 case at walang exposure sa mga taong nagpositibo sa nasabing sakit.

Dahil dito, inobliga ang lahat ng empleyado ng Printing Service ng Kamara na sumailalim sa self-quarantine at nagsasagawa na rin umano ang Department of Health (DOH) ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng biktima.

SELF-QUARANTINE

Samantala, dumarami ang bilang ng mga mambabatas na sumailalim sa self-quarantine dahil nakasalamuha ng mga ito ang mga opisyales ng gobyerno na nagkaroon ng kontak sa isang pasyente ng COVID-19.

Kabilang na rito si Valenzuela City Rep. Eric Martinez, Davao City Rep. Isidro Ungab, Laguna Rep. Marlyn Alonte at sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, halos lahat ng mga mambabatas na nakahalubilo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ay sumailalim din sa self-quarantine. BERNARD TAGUINOD

182

Related posts

Leave a Comment