NANINDIGAN ang Kamara del Representante sa inilabas na rekomendasyong mistulang nag-absweto kay dating presidential adviser Michael Yang sa bulilyasong kaugnay ng maanumalyang kontrata ng Pharmally Pharmaceutical Corp. sa Department of Budget and Management para sa pagsusuplay ng mga medical logistics noong kasagsagan ng pandemya.
Giit ni Diwa partylist Rep. Michael Aglipay na tumatayong chairman ng House committee on good government and public accountability, walang sapat na ebidensyang magdidiin sa dating economic adviser, na taliwas naman sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Senate blue ribbon committee na nagrekomenda naman ang agarang paghahain ng kaso laban kay Yang at kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay pa rin ng kontrobersiyal pandemic supply scam.
“The senate blue ribbon report walang evidence to support the other charges. Example is Michael Yang he is not liable in this Pharmally case, he is just a financier and lending money is not a crime and another recommendation,” depensa ni Aglipay.
Minaliit rin ni Aglipay ang rekomendasyon ng Senate blue ribbon committee para sa pagsasampa ng kaso laban sa Pangulo kasabay ng panawagang pagbaba nito sa pwesto bunsod ng umano’y pagtatalaga ng mga tiwali sa gabinete (partikular sa DBM at sa Department of Health) at maging kay Yang para naman sa kwestyunableng citizenship nito.
Sa bersyon ng committee report ng Kamara, tanging ang anim na corporate executives ng Pharmally na sina Huang Tzu Yen, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Lincoln Ong, Justine Garado at Krizle Mago ang inirekomendang sampahan ng kasong syndicated estafa habang administrative case naman sa Office of the Ombudsman ang giit para kina Jorge Mendoza II at Mervin Ian Tanquintic na kapwa kawani ng PS-DBM Inspection Division.
Bukod kay Yang, lusot din sa Kamara si dating DBM Undersecretary Christopher Lloyd Lao na diuamno’y direktang kausap ng Pharmally sa maanomalyang pandemic supply deal at maging si Health Secretary Francisco Duque na siyang nagpasyang ilipat sa DBM ang pondo ng DOH para bilhin ang kailangang supply para sa mga medical frontliners noong Marso 2020.
“In conclusion, despite the senate’s blue ribbon committee decision differences with the lower house, we stand by our own findings knowing that we have based our recommendation on testimonial and documentary evidence only,” pahabol pa ni Aglipay.
Palasyo
‘no comment’
No comment naman ang Malakanyang sa rekomendasyon na makasuhan ang ilang pangalang nadawit sa Pharmally controversy kabilang na si DOH Secretary Francisco Duque.
Ang katuwiran ni Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, partial pa lang naman at hindi pa official ang nasabing report.
Sinabi pa ni Nograles na hindi pa adopted ng komite ang rekomendasyon habang wala pa rin namang official copy ang Palasyo tungkol dito kaya’t mahirap magbigay ng komento.
Makabubuti aniyang maghintay na lang sila ng adopted report ng komite dahil ang lumalabas na mga impormasyon tungkol dito ay media reports lamang ang basehan.
Ang tanging maipapahayag lamang nila ay ulitin ang unang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasuhan na lang ang dapat kasuhan at walang sinomang pinoprotektahan na mga sangkot sa kontrobersiya ang Pangulo.
Samantala, nanindigan si Sec. Duque na walang kaugnayan ang DOH sa mga transaksyon ng Pharmally. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
238
