Kamara, NBI, CIDG magsisiyasat sa pagpatay sa 2 aktibista ELEAZAR HINANAPAN NG BODY CAMERA

“NASAAN ang mga body camera?” Ito ang ibinatong katanungan ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate kay Philippine National Police (PNP) Director Gen. Guillermo Eleazar kaugnay ng kaso ng dalawang aktibista sa Albay na pinatay umano ng mga pulis habang nagpipinta ng “Duterte Ibagsak” bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.

Ayon sa mambabatas, naglabas na ng kautusan ang Korte Suprema na kailangang magsuot ng body camera ang mga pulis sa ganitong uri ng operasyon upang maiwasan ang pagdududa.

“So ang hamon namin (kay Gen. Eleazar), ipakita nila ang kuha ng body cameras kung totoong nanlaban (ang dalawang aktibista),” ayon sa mambabatas sa press conference ng Makabayan bloc.

Magugunitang noong Lunes ng umaga, nag-spray paint sa pader sa Brgy. Banao, Guinobatan, Albay ang mga biktimang sina Jemar Palero at Marlon Naperi nang kumasa umano ang mga ito sa mga pulis na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.

Hindi ito ‘binili’ ni Zarate dahil laging ganito umano ang katuwiran ng mga pulis kaya hinamon si Eleazar na ipakita ang kuha ng body camera dahil kung wala ay nilalabag nila ang kautusan ng Korte Suprema.

Kabilang ang body camera footage sa hahanapin umano ng Kongreso kapag nagsimula na ang pagdinig sa nasabing insidente.

Sinabi naman ni Rep. Eufemia Cullamat, hindi armado ang mga biktima tulad ng ipinalalabas ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kaya dapat panagutin sa batas.

Samantala, iimbestigahan din ng National Bureau of Investigation at PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang hinggil sa pagkamatay ng dalawang aktibista.

Kaugnay nito, sinibak sa pwesto ng PNP-Police Regional Office 5 ang hepe ng Guinobatan Municipal Police Station at anim na tauhan nito, at isinailalim sa restrictive custody.

Alinsunod ito sa direktiba ni Gen. Eleazar upang matutukan ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.

Agad namang nakipag-ugnayan ang CIDG at NBI kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo para sa isasagawang parallel investigation upang mas mapabilis ang pag-usad ng proseso para sa pagtukoy sa tunay na nangyari sa pagkamatay ng dalawang aktibista. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)

119

Related posts

Leave a Comment