(NI BERNARD TAGUINOD)
GAGAWA umano ng batas ang Kongreso na oobligahin ang lahat ng mga transportation officials sa bansa na mag-commute kahit isang beses kada buwan upang maramdaman ng mga ito ang hirap na sinusuong ng mga commuters araw-araw.
Sa press conference, sinabi ni House committee on metro manila development chairman Winston “Winnie” Castelo na inihahanda na nito ang kanilang panukala dahil mistulang hindi alam ng mga transport officials ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuters.
“Im passing a bill that, atleast take public utilitiy vehicle once a month so that they will feel themselves no, yung gravity and extend ng problem and they would do something about it.“Baka hindi nila nalalaman kasi ng mga opisyales ng mga nasa transportasyon ang pahirap ng buhay,” ani Castelo.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil wala umanong pagbabago sa mga lansangan sa Metro Manila at hinaharang pa ng Department of Transportation (DOTr) ang Angkas na alternatibong sasakyan sana aniya ng mga commuters.
Kabilang sa mga transport officials na nais ni Castelo na mag-commute kahit isang beses kada buwan ay mula sa DOTr, Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Because how do they know the gravity of the problem kung may wangwang sila, may hawi boys sila right now while the commuting public are suffering in a daily basis losing money, nalelate,” ani Castelo.
Dahil dito, kailangang maranasan umano ng mga transport officials ang hirap na dinadaanan ng mga commuters araw-araw tulad ng pakikipagsiksikan lalo na sa mga public utility vehicles (PUVs) tulad ng mga pampasaherong bus at jeep.
Susubukan din umano ni Castelo na isama sa mga oobligahing mag-commute ang mga kongresista at iba pang government officials para maranasan ng mga ito ang hirap ng maging commuter.
194