UMAASA ang lead chairman ng Quinta Committee na hindi hanggang press release lamang ang Department of Agriculture (DA) sa pagbabawas sa presyo ng bigas at legal na aksyon laban sa mga rice cartel, hoarding at profiteers.
“We need action from the DA sooner rather than later, so I hope the study process doesn’t last beyond a few days,” ani Albay Rep. Joel Salceda na namumuno sa imbestigasyon sa mataas na presyo ng bigas kahit sobra-sobra ang supply at mababa na ang presyo nito sa world market.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos maglabas ng press release si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ikinokonsidera nito ang pagdedeklara ng food security emergency upang mapatatag ang presyo ng bigas.
Bukod dito, posibleng payagan din umano ng DA ang Food Terminal Inc. na mag-angkat ng bigas upang magkaroon ng kompetisyon ang mga private importer at inatasan ang legal division ng ahensya na sampahan ng kaso ang mga rice trader na nagsasabwatan para tumaas ang presyo ng bigas.
Ikinatuwa naman ito ni Salceda subalit kailangan aniyang umaksyon agad si Laurel at maipatupad ang kanyang mga plano sa lalong madaling panahon.
“We should see a price reduction of at least P6 per kilo as a result of stricter enforcement against hoarding,” ayon pa sa kongresista.
Bukod dito, inatasan ng Murang Pagkain Supercommittee na inspeksyunin ang lahat ng pribadong bodega kasama ang Bureau of Customs (BOC) kung may mga nakaimbak na imported ng bigas.
Ang nasabing komite na binubuo ng ways and means committee, agriculture and food, trade and industry, social services at Special Committee on Food Security ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa hindi pagbaba ng presyo ng bigas kahit binawasan na ng 20% ang taripa na binabayaran ng rice importers at mababa na ang presyo nito sa world market.
Sa ngayon ay naglalaro pa sa P50 pataas ang kada kilo ng bigas na malayo sa P45 na pangakong resulta kapag binawasan ang taripa. (BERNARD TAGUINOD)
