WALANG plano ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na mag-lockdown sa kabila ng 98 confirmed cases ng COVID-19 mula Nobyembre 10, 2020 dahil pawang nakuha umano ng mga empleyado ang virus sa kanilang komunidad.
“No need na iclose natin ang House kasi everyday naman nagko-conduct ng sanitation and disinfection,” pahayag ni House Secretary General Llandro “Dong” Mendoza sa lingguhang Ugnayan sa Batasan.
Magugunita na inamin ni Mendoza na umaabot sa 98 empleyado ng Kamara ang nagpositibo sa COVID-19 nang magsagawa ang mga ito ng mass testing mula noong Nobyembre 10, 2020.
Bukod ang bilang na ito sa unang 93 kaso mula Marso hanggang Nobyembre 8, 2020 kaya sa kabuuan ay umaabot sa 191 ang tinamaan ng virus sa Kamara na ikinamatay ng lima kabilang na ang dalawang mambabatas na sina Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr. at Sorsogon Rep. Bernardita Ramos.
“Most of the 98 (na nagpositibo sa COVID-19), community transmission. Galing talaga sa labas ang transmission, May kumakalat na dito naghawaan, hindi po, sa labas ang transmission,” ani Mendoza.
Ang Kongreso ay hanggang sa ikatlong linggo ng Disyembre na lamang magtatrabaho bago mag-break at babalik sa Enero 18, 2021.
Subalit bago aniya magbalikan sa trabaho ang mga empleyado ng Kamara ay muling maglulunsad ng mass testing ang liderato upang masiguro na malinis ang mga ito sa virus.
Pinaplano na rin umano ng Kamara na magkaroon ng mass vaccination, hindi lamang sa mambabatas kundi sa lahat ng empleyado ng Kapulungan sa sandaling magkaroon na ng bakuna sa COVID-19.
“Isa yan sa top priorities ni Speaker Lord Velasco na mabigyan ng vaccine ang lahat. Allocating funds for the purchase of vaccines is also one of our top priorities,” ani Mendoza. (BERNARD TAGUINOD)
