‘KAMAY NA BAKAL’ SA SUMISIRA SA LIKAS NA YAMAN NG PILIPINAS

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

TAMA lang na purihin at suportahan ang kasalukuyang administrasyon kung ang mga programa o proyektong ginagawa nito ay tumatama sa kaginhawaan at kapakinabangan ng tao.

Tulungan natin dear readers, ang pamahalaan sa magaganda nitong ginagawa, pero ang masasama, ating kondenahin at usigin, tama po?

Ating pong suriin ang pinakamahahalagang nagawa at ginagawa ng ating pamahalaan para sa kabutihan ng bansa, at ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan ng mga proyektong mula sa bulsa ng tax payers/mamamayan?

Ngayon na marahil ang panahon para wakasan ang maruming pulitika na siyang bunga ng kahirapan ng Pinoy at kung bakit tayo ay napag-iwanan ng ibang kalapit nating mga bansa.

Tama na ang mga away, laitan, batikusan, patutsadahan, siraan, nakasasawa na!

Dahil sa huli ay iisa pa rin ang kuwento: korupsiyon, kahirapan, kagutuman, matitinding pagsubok sa buhay.

***

May mabubuting pakinabang ang pagmimina (mining) pero sa kalahatan bukod sa pakinabang ay may masasamang epekto ito.

Ang pagbubungkal ng lupa upang makuha ang mahahalagang mineral, metal, karbon, ginto, ore, at mga bukal ng natural gas, langis, petrolyo at iba pa na ginagamit sa siyensiya at mga industriya ay mabuting mga pakinabang ng minahan.

Pero, ano-ano naman ang masasamang epekto ng pagmimina?

Kamatayan sa mga minero sanhi ng pagguho sa malalalim na hukay at tunnel na pinagkukuhanan ng mineral at iba pa sa ilalim ng lupa o sa ilalim ng dagat.

Pagkawasak ng likas na yaman tulad ng kagubatan, bundok at pagkamatay ng maiilap na mga hayop at katutubong halaman.

Marami nang ilog at dagat ang namatay sa polusyon at kontaminasyon bunga ng kemikal na ginagamit sa pagmimina at ang pagsingaw ng karbon at ng nakalalasong usok na sumisira sa atmospera — ang dulot ay peligro sa buhay ng tao at ng mga hayop at iba pa.

Kung may mabubuting pakinabang ang pagmimina, may malaking negatibong epekto ito, tulad nabanggit na (1) pagguho o pagkatibag ng lupa at mga bato; (2) malalaking butas o sinkholes; (3) polusyon sa tubig at hangin; (4) pagkawasak at pagkaubos ng mga puno, pagkawala ng mga likas na maiilap na hayop sa tubig at sa kagubatan; (5) pagkawasak ng likas na buhay ng maiilap at likas na galaw ng buhay sa ekosistema; (6) pagkasira ng mga bukal ng tubig sa ilalim ng lupa at: (7) pagkalason ng lupa.

Mas matindi ang epekto nito sa populasyon, kabuhayan at aktibidad ng populasyon sa lugar ng minahan.

Matapos makuha ang mineral at iba pang kailangan sa winasak na likas-yaman, naiiwang nakatiwangwang ang lupa, patuloy ang perwisyo ng polusyon, kamatayan sa buhay ng tao, ng hayop at ng kapaligiran.

Hindi na maiinom ang tubig sa bigat ng polusyon — wala nang isda at yamang tubig na likas na mapagkukuhanan ng pagkain ng mga tao: kahirapan, kamatayan ang epektong iiwan ng minahan habang kamal-kamal na salapi ang iuuwi ng mga kompanya at ng gobyerno na pumayag wasakin ang kapaligiran.

***

Kung ititigil ang pagmimina, paano ang kinikitang bilyon-bilyong dolyar ng gobyerno at ng pribadong kompanya ng minahan?

Paano matutustusan ang kailangang materyal, mineral, langis, natural gas, ore, karbon, ore, at iba pang bakal para mapatakbo ang industriya, negosyo at ekonomiya?

Magkaagaw sa pakinabang at perwisyo ang minahan, at kailangan ang matibay na pagtitimbang ng gobyerno.

Marami na tayong batas at regulasyon upang mabawasan at mapahina ang masasamang epekto ng minahan.

May mga disenyo nang ginawa ang mga inhinyero, mahuhusay na imprastruktura at matitibay na pagtatayo, paghuhukay at impraestruktura upang mabawasan ang panganib sa buhay at ari-arian.

Kailangan magdisenyo at gumawa ng aksyong mag-iingat sa buhay at ari-arian at kung paano magagawang ‘di makapipinsala ang pagtatapon ng mga basurang lason at kemikal ng minahan.

Bago iwan ng mga kompanya ng minahan ang binungkal na lupa at kagubatan, mag-iwan sila ng mga trabahador na maglilinis ng polusyon at basura.

Magtanim ng mga puno, maglagay ng water treatment plant sa paglinis ng tubig at magtayo ng ospital o agad-agad na atensiyon at serbisyong medikal sa populasyon na maaapektuhan ng polusyon at kontaminasyon sa tubig at hangin.

At pagrebisa sa mga batas ng pagmimina at pagpapalakas sa mga ahensya ng gobyerno na magpapatupad ng batas kontra sa pagwasak ng likas yaman ng kapaligiran.

Kailangan na ang mabibigat na parusa sa mga traydor/kontrabida at sumisira ng likas yaman ng bansa.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

18

Related posts

Leave a Comment