BATANGAS – Arestado ng mga operatiba ang magkapatid na kambal sa anti-illegal drug operation sa bayan ng San Juan sa lalawigang ito.
Ayon sa report ng Batangas Provincial Police Office, nasakote ang kambal na sina Mark Kevin at Mark Anthony Cueto, sa buy-bust operation sa Barangay Buhay na Sapa noong Biyernes ng gabi.
Bago naaresto, tinangka pa ni Mark Anthony na manlaban at pinaputukan ang mga operatiba matapos matunugan na mga pulis ang katransaksyon ng kambal.
Gumanti ng putok ang mga pulis at nabaril ito sa hita at napilitan na ring sumuko nang makitang napalilibutan na sila ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa dalawa ang dalawang sachet ng umano’y shabu na may timbang na 2.60 grams habang nakuha rin kay Mark Anthony ang isang kalibre .38 na baril.
Sinampahan ng kaso ang dalawa na nakakulong na sa San Juan PNP custodial facility. (NILOU DEL CARMEN)
197
