KAMPANYA KONTRA NAKAW-KURYENTE PAIIGTINGIN

PINAIIGTING ng pamahalaan at mga power utility ang kampanya laban sa electricity pilferage kasabay ng patuloy na pagtutok sa pagpapababa ng system loss sa bansa.

Bahagi ng system loss ang tinatawag na non-technical losses, na maaaring magmula sa electricity pilferage o paggamit ng kuryenteng hindi dumadaan sa tamang proseso ng pagsukat at pagtatala.

Kamakailan, inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang “Brigada Kontra Jumper,” isang inisyatibang naglalayong palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga distribution utility at publiko upang matukoy at maaksyunan ang mga kaso ng electricity theft at makatulong sa pagpapababa ng system losses.

Hinikayat din ng DOE ang publiko na gamitin ang eGovPH app sa pag-uulat ng mga hinihinalang illegal connection at iba pang electrical safety hazards.

Maaaring isumite sa app ang detalye ng insidente, kabilang ang lokasyon, petsa at oras, paglalarawan at mga larawang makatutulong sa validation ng report. Bibigyan din ang nag-ulat ng ticket number upang masubaybayan ang status ng reklamo.

Nagpaalala naman ang DOE sa publiko na huwag direktang lapitan o galawin ang mga kahina-hinalang koneksyon dahil maaari itong magdulot ng aksidente.

Bahagi ang kampanya ng mas malawak na System Loss Reduction Action Plan ng DOE, na kinabibilangan ng anti-pilferage enforcement, meter management at audits, consumer education at iba pang hakbang upang matugunan ang non-technical losses.

Utilities aktibo rin sa inspeksyon

Kasabay ng mga hakbang ng pamahalaan, patuloy rin ang mga power utility sa pagpapatupad ng sarili nilang mga programa laban sa illegal connections at iba pang uri ng electricity pilferage.

Kabilang dito ang Meralco, na regular na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad at distribution facilities nito at tumutugon sa mga ulat hinggil sa posibleng jumper, illegal connections at meter tampering.

Nakikipagtulungan din ang Meralco sa law enforcement sa pagsugpo sa mga naturang ilegal na gawain.

Paulit-ulit na binibigyang-diin ng Meralco ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na inspeksyon at agarang pag-aksyon dahil bukod sa kontribusyon nito sa non-technical losses, maaari ring magdulot ng panganib sa kaligtasan ang mga hindi awtorisadong koneksyon, kabilang ang sunog, pagkakakuryente at pagkasira ng mga electrical facility.

Sa mas pinaigting na kampanya, inaasahang mapalalakas ang koordinasyon ng mga utility, lokal na pamahalaan, law enforcement agencies at mga komunidad sa pagtukoy at pagresponde sa mga kaso ng electricity pilferage.

Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga utility at awtoridad sa halip na kunsintihin o pagtakpan ang mga illegal connection. Malaki ang maitutulong nito sa pagpapababa ng system loss habang pinabubuti ang kaligtasan, reliability at kalidad ng serbisyo ng kuryente sa mga komunidad.

74

Related posts

Leave a Comment