PH PAYAPANG IPAGTATANGGOL 2016 ARBITRAL AWARD – MARCOS

MULING iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang maritime rights ng Pilipinas sa ilalim ng 2016 Arbitral Award at nangakong ipagtatanggol ang mga ito sa mapayapa at naaayon sa batas na paraan.

Sa kanyang talumpati sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong Lunes, pinuri ni Pangulong Marcos ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kasama ang mga mangingisda, sa kanilang papel sa pagprotekta sa national interests ng bansa sa West Philippine Sea.

“In my recent State of the Nation Address, I reaffirmed that our duty to the people extends to protecting the country’s interests, upholding the rule of law, and securing the resources upon which our communities depend,” ayon sa Pangulo.

“Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan sa paraang mapayapa, naaayon sa batas, at naaayon sa ating mga prinsipyo,” dagdag niya.

Itinuturing na tagumpay para sa Pilipinas at sa buong mundo ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa mga maritime rights sa loob ng West Philippine Sea batay sa tinatawag na “nine-dash line.”

Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagsusulong at pagtatanggol sa maritime rights ng bansa ay responsibilidad ng buong sambayanan.

Hinikayat niya ang publiko na unawain ang kasaysayan ng bansa, alamin ang maritime rights ng Pilipinas at maging bahagi sa pagprotekta sa national interests.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kontribusyon ng healthcare workers, mga bumbero, police officers, sundalo, guro at emergency responders na tumutulong sa mga Pilipino sa panahon ng pangangailangan.

Kinilala rin niya ang sakripisyo ng overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho malayo sa kanilang mga mahal sa buhay upang mabigyan ang kanilang pamilya ng mas maayos na buhay.

Hinimok din ni Pangulong Marcos ang publiko na gampanan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng integridad ng mga institusyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng “transparency, accountability, and a standard of service worthy of the Filipino people.”

“Magkakaiba man ang ating pamamaraan, iisa ang mensahe ng mga ito: Ang Pilipinas ay karapat-dapat na ipaglaban. Ang bawat Pilipino ay karapat-dapat na paglingkuran. Ang ating soberanya ay karapat-dapat na ipagtanggol,” ani Pangulong Marcos.

(CHRISTIAN DALE)

87

Related posts

Leave a Comment