Kampanya kontra nakaw-kuryente, paiigtingin

Sa gitna ng patuloy na pagtutok sa pagpapababa ng system loss sa bansa, pinaiigting na ng pamahalaan at mga power utilities ang kampanya laban sa electricity pilferage

Bahagi ng system loss ang tinatawag na non-technical losses, na maaaring magmula sa electricity pilferage o paggamit ng kuryente na hindi dumadaan sa tamang proseso ng pagsukat at pag-record.

Kamakailan, inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang “Brigada Kontra Jumper,” isang inisyatibang naglalayong palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga distribution utility at publiko para matukoy at maaksyunan ang mga kaso ng electricity theft at makatulong sa pagpapababa ng system losses.

Hinikayat din ng DOE ang publiko na gamitin ang eGovPH app sa pag-uulat ng mga hinihinalang illegal connection at iba pang electrical safety hazards.

Maaaring isumite ang detalye ng insidente, kabilang ang lokasyon, petsa at oras, paglalarawan at mga larawang maaaring makatulong sa validation ng report. May ticket number din na ibinibigay para masubaybayan ang status ng reklamo.

Nagpaalala rin ang DOE na huwag direktang lapitan o galawin ang mga kahina-hinalang koneksyon dahil maaari itong magdulot ng aksidente.

Bahagi ang kampanya ng mas malawak na System Loss Reduction Action Plan ng DOE, na kinabibilangan ng anti-pilferage enforcement, meter management at audits, consumer education, at iba pang hakbang upang matugunan ang non-technical losses.

Utilities, aktibo rin sa inspeksyon

Kasabay ng mga hakbang ng pamahalaan, patuloy din ang mga power utility sa kanilang sariling mga programa para maaksyunan ang illegal connections at iba pang uri ng electricity pilferage.

Kabilang dito ang Meralco na regular na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad at distribution facilities nito at tumutugon sa mga ulat hinggil sa posibleng jumper, illegal connections at meter tampering. Kasama din ng Meralco ang law enforcement sa pag-crackdown sa mga ito.

Paulit ulit na binigyang diin ng Meralco na mahalaga ang tuluy-tuloy na inspeksyon at pag-aksyon dahil bukod sa kontribusyon nito sa non-technical losses, maaari ring magdulot ang mga hindi awtorisadong koneksyon ng panganib sa kaligtasan, kabilang ang sunog, pagkakakuryente at pagkasira ng mga electrical facility.

Sa mas pinaigting na kampanya, inaasahang mas mapalalakas ang koordinasyon ng mga utility, lokal na pamahalaan, law enforcement agencies at mga komunidad sa pagtukoy at pagresponde sa mga kaso ng electricity pilferage.

Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga utility at awtoridad sa halip na kunsintihin o pagtakpan ang mga illegal connection. Malaki ang maitutulong nito para mapababa ang system loss habang pinapabuti ang kaligtasan, reliability at kalidad ng serbisyo ng kuryente sa mga komunidad.

105

Related posts

Leave a Comment