NAGBABALA si Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senador Francis “Kiko” Pangilinan na maaaring maging banta sa food supply ng bansa at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ang pinsala sa agricultural infrastructure dulot ng magkakasunod na malalakas na pag-ulan bunsod ng Habagat at mga bagyo.
Nanawagan si Pangilinan sa pamahalaan para sa agarang pagkumpuni at pagsasaayos ng mga nasirang farm-to-market roads, irrigation system at iba pang pasilidad na mahalaga sa produksyon ng pagkain.
Iginiit ng senador na kailangang mabilis na maibalik ang mga farm-to-market road, irrigation system, mechanization at dryer facilities upang makabalik sa kanilang mga sakahan ang mga magsasaka, maibiyahe ang kanilang mga ani at makapaghanda para sa susunod na panahon ng pagtatanim.
Hindi aniya ganap na makakabangon ang agricultural production kung hindi maihahatid ng mga magsasaka sa mga palengke ang kanilang mga produktong agrikultural.
Dahil dito, nanawagan si Pangilinan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA) at mga lokal na pamahalaan na agad magsagawa ng assessment sa pinsala sa agricultural infrastructure.
Binigyang-diin din niya na dapat unahin ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pasilidad sa mga farming community na lubhang napinsala.
Umapela rin ang senador sa agarang paglalabas ng pondo at tiyaking tama at maayos ang paggamit nito para sa rehabilitasyon at repair ng mga napinsalang agricultural infrastructure.
(DANG SAMSON-GARCIA)
54 