BAGAMAN hindi maboka sa mga miyembro ng media, sa madaming salita tahimik lang at hindi nagbubuhat ng sariling bangko, maigting ang tagubilin ni Manila Police District director P/BGen Bernabe Balba sa kanyang mga tauhan na labanan ang droga.
Okay ang performance ni Gen. Balba pagdating sa kampanya laban sa droga dahil may mga barangay sa Maynila na nadagdag sa mga lugar na drug free at iyon ay bunga nang pinatinding paglaban sa ilegal na droga ng pulisya at barangay.
Okay na okay rin siya kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bagaman hindi tao o bet ng huli ang nasabing heneral dahil itinalaga lang ito ng Camp Crame base sa performance nito.
Super Okay nga itong si Gen Balba dahil bukod sa walang hangin o ere ito sa ulo ay talaga namang trabaho ang ginagawa nito kaya nga halos hindi na ito nakakauwi sa kanyang pamilya dahil sa pagbabantay sa kanyang nasasakupan.
Pinaka Okay ay ang pagtalima nito sa mga tagubilin ni Philippine National Police Chief Gen. Archie Gamboa kaugnay sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal kaya nga walang jueteng sa Maynila. Kung meron man, ito ay guerilla operations na.
Okray naman kapag may tauhan si Balba na hindi susunod sa kanyang kautusan dahil itong opisyal na ito ay tahimik subalit lintik kung magalit.
Okray na okray naman ang ilang barangay na hindi nakikipagtulungan ang mga opisyales kung kaya’t talamak pa rin ang droga sa kanilang lugar na madalas na siyang sumisira sa kaayusan at kapayapaan.
Dapat naman ay drug free na ang Maynila dahil maging si Mayor Isko ay kumikilos upang makalaya na ang Maynila mula sa droga. LEA BOTONES
464 