TARGET ni KA REX CAYANONG
MALINAW na isang mahalagang tagumpay laban sa kriminalidad ang nakamit ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) matapos ma-neutralize ang dalawang notoryus na gun-for-hire sa isang operasyon sa Calauag, Quezon kamakailan.
Sa pamamagitan ng buy-bust operation, nagkaroon ng habulan at palitan ng putok na humantong sa pagkamatay ng mga suspek.
Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng mabilis at epektibong aksyon ng kapulisan upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Hindi basta-bastang kaso ang kinahaharap ng mga suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na sila ay sangkot sa pitong kaso ng pagpatay at iba pang karumal-dumal na krimen sa iba’t ibang bayan ng Quezon.
Dagdag pa rito, ang mga baril na narekober mula sa kanila ay ginamit na rin umano sa naunang mga pamamaril.
Sa madaling salita, matagal nang banta sa katahimikan at seguridad ng lalawigan ang mga suspek.
Dapat purihin ang mahusay na koordinasyon ng Provincial Intelligence Unit, Calauag Municipal Police Station, at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company.
Aba’y ang kanilang pagkakaisa ang nagbigay-daan sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Quezon PNP Director, PCol. Romulo Albacea, hindi nila papayagan na manatiling banta sa publiko ang mga grupo o indibidwal na gumagawa ng karahasan.
Mahalaga ring bigyang-diin na ang ganitong operasyon ay hindi lamang simpleng pagpapatupad ng batas, ito ay isang malinaw na mensahe sa lahat ng kriminal sa Quezon at karatig-lugar na hindi sila makapagtatago sa mahabang kamay ng hustisya.
Ang Quezon PNP ay handang magresponde at kumilos anomang oras para mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.
Gayunman, hindi lang pulisya ang dapat kumilos.
Malaking bahagi rin ng laban kontra kriminalidad ang kooperasyon ng taumbayan.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at pakikipagtulungan, mas mapabibilis ang pagtukoy at pagpigil sa mga ilegal na gawain ng mga sindikato.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay hindi lang panandaliang tagumpay, kundi patunay na kayang malabanan ang gun-for-hire groups kung magtutulungan ang mga awtoridad at mamamayan.
Mahalagang ipagpatuloy ng provincial police ang kanilang sigasig at tiyakin na tuluyan nang masusugpo ang ganitong mga grupo.
Ang katahimikan at kaligtasan ng bawat mamamayan ng Quezon ang nananatiling pangunahing layunin ng kanilang hanay.
