KAMPANYA NI ATTY. RODRIGUEZ SA SENADO SINIMULAN SA MISA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAGDAOS ng Thanksgiving mass kahapon sa Timog, Quezon City ang mga tagasuporta ni Atty. Vic Rodriguez upang opisyal na simulan ang kanyang kampanya sa Senado ngayong May 2025 midterm election.

Si Rodriguez, numero 56 sa balota ay suportado ng grupong Hakbang ng Maisug at ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang inihayag ng unang Executive Secretary ng administrasyong Marcos na tatakbo siya sa Senado para labanan ang korupsyon na labis na nagpapahirap sa mga Pilipino.

Sakaling maluklok sa Senado ay tatrabahuhin ni Atty. Rodriguez na maibaba sa P5 milyon ang pagnanakaw sa kaban ng bayan para maparusahan ng kamatayan.

“Sapagkat ako ay lalaban sa corruption at alam ko kung paano labanan ito. Aamyendahan ko ang plunder law,” ani Rodriguez.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, P50 million ang dapat manakaw ng isang corrupt na opisyal ng gobyerno para masampahan ito ng plunder case subalit nais ni Rodriguez na ibaba ang halagang ito sa P5 million.

“Ibababa ko ang threshold ng plunder from P50 million to P5 million at pag nagawa ko ‘yan ibabalik ko ang death penalty. ‘Yan ang kaparusahan sapagkat higit pa yan sa heinous crime ang pagnanakaw. Dahil ang pagnanakaw ay pagnanakaw kahit ano pa ang halaga,” sagot ito ni Rodriguez kay Karen Davila sa programang “Harapan”.

“Isingit ko lang. Ang nakalagay sa Banal na Kasulatan, thou shalt not steal period. Hindi sinabi na thou shalt not steal ng more than P50 million. So huwag nating paguluhin ang buhay natin…huwag kang magnakaw period,” dagdag pa nito.

Ayon kay Rodriguez, “very bad” ang corruption sa Pilipinas kung saan inihalimbawa nito ang nangyari sa Bicol region na pinalubog sa baha noong October 2024 ng Bagyong Kristine dahil ninakaw aniya ang flood control funds.

2

Related posts

Leave a Comment