KAMPANYA VS KRIMEN NG PBBM ADMIN MATATAG – MALAKANYANG

IGINIIT ng Malacañang na nananatiling matatag ang kampanya ng administrasyon laban sa kriminalidad at lahat ng uri ng krimen sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ang pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang tugon sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na sa Pilipinas ay maaari umanong umupa ng gunman sa halagang P5,000 upang pumatay ng isang tao.

Ayon kay Castro, sa halip na banggitin ang ganitong pahayag, dapat umanong tumulong ang Bise Presidente sa pagpigil sa ganitong uri ng krimen at magbigay ng anomang impormasyong makatutulong sa mga awtoridad.

Sinabi rin ni Castro na kung may nalalaman si Duterte tungkol sa umano’y bentahan ng serbisyo ng mga gunman, dapat itong ibahagi sa mga kinauukulan upang agad na maaksyunan.

Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi umano ito nasawata kung totoo ang naturang sitwasyon, lalo na’t matagal nang nagsilbi sa pamahalaan ang Bise Presidente at naging pangulo rin ang kanyang ama.

Nauna rito, sinabi ni Vice President Sara Duterte sa kanyang talumpati sa The Hague, Netherlands, na matindi ang problema ng gun violence sa Pilipinas at posible umanong makapag-hire ng isang gunman sa halagang P5,000 lamang.

Binigyang-diin din ni Duterte na hindi maaaring iugnay sa anti-drug campaign ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga pagpatay na naitala sa bansa.

Inihalimbawa niya ang sitwasyon ng isang mag-asawa upang ipaliwanag ang kanyang punto tungkol sa laganap na gun violence.

Ayon pa kay Duterte, dahil sa umiiral na sitwasyon ng gun violence sa bansa, hindi maaaring ipagpalagay na lahat ng mga nakalistang biktima at naghain ng kaso sa International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulo ay mga biktima ng giyera kontra ilegal na droga.

(CHRISTIAN DALE)

149

Related posts

Leave a Comment