MANILA — Isinaayos ng Bureau of Immigration (BI) ang operasyon ng Warden Facility nito kasabay ng pagpapatupad ng mga hakbang upang mapabuti ang pamamahala sa mga dayuhang pansamantalang nakadetine dahil sa paglabag sa immigration laws.
Ayon sa BI, nagsagawa ito ng tatlong batch ng pagsasanay para sa mga tauhan ng Warden Facility sa Muntinlupa sa pakikipagtulungan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ng BI na bahagi ang programa ng inisyatiba ni Commissioner Joel Anthony Viado, habang ipinagkatiwala kay Deputy Commissioner Joel Alejandro Nacnac ang pangangasiwa sa pagsasaayos ng operasyon ng Warden Facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan at sa BuCor sa Muntinlupa.
Ayon kina Warden Felix Velasco at Deputy Warden Raj Abba, nakikipag-ugnayan ang Warden Facility sa BI Legal Division upang mapabilis ang deportasyon ng mga dayuhang wala nang nakabinbing kaso sa alinmang hukuman. Anila, isinasailalim din ang mga ito sa blacklist order upang hindi na muling makabalik sa bansa.
Pinalawak din umano ng BI ang koordinasyon nito sa mga embahada ng mga dayuhang detainees upang matiyak ang kanilang mga karapatan at kapakanan habang nasa kustodiya.
Sinabi rin ng BI na patuloy nitong ibinibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga detainee, kabilang ang pagkain na isinasaalang-alang ang kanilang relihiyon, gayundin ang regular na medical checkup mula sa BI Medical Team upang mabigyan sila ng agarang serbisyong medikal kung kinakailangan.
Ayon pa sa ahensya, kabilang sa mga nasa kustodiya ng Warden Facility ang ilang high-profile detainees at mga dayuhang fugitives. Dahil dito, pinaiigting ang regular na inspeksyon sa mga pasilidad at ang mahigpit na pagbabantay upang maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na kontrabando at anumang tangkang pagtakas.
Samantala, sinabi ng BI na ipinatutupad din ang mahigpit na pagbabawal sa anomang VIP treatment para sa mga dayuhang detainees at pinananatili ang kalinisan sa pasilidad bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga pamantayan sa Warden Facility.
179 