TALIWAS sa paniwala ng marami, hindi pa matatapos ang pagdurusang bunsod ng lintek na pandemyang sukdulang lumpuhin ang kabuhayan ng bansa, kalusugang inilagay sa peligro, hanapbuhay na inagaw ng pagkakataon, mga negosyong napilitang magsara at iba pang mayroon tayo bago pa man pumasok ang nakamamatay na sakit mula sa bansang Tsina.
Mula sa 400 arawang kaso ng mga positibo noong Disyembre 27, sumipa na sa halos 5,000 ang datos ng mga tinamaan ng COVID-19 kahapon.
Pag-amin ng mga eksperto, higit pa sa pinakamataas na antas ng arawang bilang ng positibo ang maitatala sa mga susunod na araw. Sa madaling salita – isa na namang COVID surge o ang hindi mapigilang pagdami ng hawaan ng nakamamatay na karamdaman.
Anyare, tanong ng marami?
Dangan naman kasi, sabayang lumabas ang mga tao nitong nakaraang buwan ng Kapaskuhan, na lalong pinalala ng higit na nakahahawang Omicron variant na nakapuslit, dala ng mga biyahero mula sa ibang bansa.
Ang problema, hindi lahat ay bakunado na. Sa tala ng pamahalaan, nasa kalahati pa lamang ng populasyon ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19. Ang masaklap, hindi sapat ang proteksyon ng bakuna sa Omicron variant, ayon mismo sa mga eksperto.
Eh paano na tayo? Pansamantala, kanya-kanyang ingat muna. Higit na kailangan ang tibay ng kalooban sa gitna ng suliranin. Dapat din may sapat at wastong pagkain, angkop na pahinga, iwas-stress at pag-inom ng mga bitamina para sa mas malakas na immune system.
Gobyerno ba kamo? Huwag natin asahan. Period.
194 