Kapag nagpilit umuwi FPRRD MATUTULAD KAY NINOY – VP SARA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINALAAN ni Vice President Sara Duterte ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte na posibleng sapitin nito ang nangyari kay dating senador Ninoy Aquino kapag nagpumilit itong umuwi mula sa The Netherlands.

Sa pagtitipon ng kanilang mga supporter sa The Hague kung saan naroon ang detention facility ng International Criminal Court (ICC) ay nagbigay ng pahayag ang batang Duterte hinggil sa kanilang pag-uusap ng ama.

Ayon kay VP Sara, tuwing binibisita niya ang dating pangulo sa detention center ng ICC, lagi nitong tinatanong kung maiuuwi siya sa Pilipinas.

Anya, masidhi ang hangarin ng dating pangulo na umuwi para mangampanya dahil kandidato itong alkalde ng Davao City.

“Yun ang gusto niya, gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kanya yun, ‘Pa, sabi ko, ‘yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka’,” ani VP Sara.

Sinagot naman umano siya ni Digong na, “Kung ganyan ang kapalaran ko, then so be it. Basta lang mauwi ako sa Pilipinas”.

Si Hitler, Hindi Si Ninoy

Pinalagan naman ng Malakanyang ang paghahambing ni VP Sara sa kanyang ama at kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.

Para sa Malakanyang, si Adolf Hitler ang katulad ng dating pangulo.

Ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mismong ang dating pangulo ang nagkumpara sa kanyang sarili kay Hitler noong kasagsagan ng kanyang kampanya sa ilegal na droga.

Ipinagmalaki pa aniya ni Duterte noon na kung mayroong tatlong milyon na na-massacre si Hitler, mayroon din tatlong milyong drug addicts sa Pilipinas, at masaya aniya siyang katayin ang mga ito.

Ang nasabing pahayag ni Digong ay nag-headline din sa international media.

Sa artikulo ng Reuters, nakasaad na inihalintulad ni Duterte ang sarili kay Hitler at nais pumatay ng milyun-milyong adik.

Ganoon din ang balita ng Reuters, Telegraph, CNBC at Washington Post.

Kaya sinabi ni Castro na napakalayong ikumpara si Duterte kay Ninoy dahil wala itong record ng mass murder taliwas sa dating pangulong Duterte.

Matatandaang Agosto 1983 nang barilin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Aquino, na kilalang kritiko ng ama ni PBBM na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., matapos ang 3 taong exile niya sa United States.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

25

Related posts

Leave a Comment