TINIYAK ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeirie na irerekomenda ng Department of Health (DoH) na muling sumailalim sa COVID-19 test si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sakaling magpositibo si Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Usec. Vergeirie, standard procedure na isailalim sa pagsusuri ang sinomang indibidwal na nakahalubilo ang isang COVID-19 positive.
Sa ngayon aniya ay nananatiling asymptomatic si Secretary Duque at ginagampanan ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng online administration system.
Sinabi ni Usec. Virgirie na matapos ma-expose si Secretary Duque sa isang senior DOH official na positibo sa COVID-19 ay agad itong nagsagawa ng kaukulang hakbang tulad ng self isolation.
Matatandaang, nauna nang sumailalim si Pangulong Duterte sa COVID-19 test kung saan ay negatibo naman ang resulta nito.
Nilinaw ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na walang sakit ang Pangulo at sumailalim lamang sa test base sa payo ng Department of Health matapos makasalamuha ang mga miyembro ng gabinete na may nakausap na positibo sa COVID-19.
Tiniyak din ni Panelo na walang sintomas na nararamdaman ang Pangulo maging si Senador Christopher “Bong” Go na palagi nitong kasama sa events. CHRISTIAN DALE
