KAPALPAKAN NG TRB NABUNYAG SA SENADO

NANINIWALA si Senador Win Gatchalian na maraming nabunyag na kapalpakan sa pagpapatupad ng cashless transaction sa toll ways ng Toll Regulatory Board (TRB).

Ayon kay Gatchalian, sa nakaraang pagdinig ng Senado ay walang nagawa kundi umamin si Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade na nagkaroon ng failure of leadership at failure of enforcement ang mga regulatory official na nangangasiwa sa mga expressways.

Aniya, napag-alaman ng mga senador na ipinatupad ang mandatory cashless toll collection kahit na walang malinaw na alituntunin, walang nakalatag na kaparusahan sa mga hindi magpapatupad ng mandato, planong lugar para sa installation at reloading lanes at hindi nasiguro kung gumagana ang lahat ng radio frequency identification (RFID) sensors.

Giit ng senador, sumang-ayon si Tugade sa kakulangan sa pangangasiwa ng pananagutan ng mga toll operator bunsod ng kawalan ng kaukulang kaparusahan at key performance indicators ng mga namumuno rito.

Ipinagdiinan ni Tugade na pumalpak ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pamumuno ng executive director nito na si Abraham Sales sa gulong nangyayari kaugnay ng isyu ng RFID.

Si Tugade ang tumatayong chairman of the board ng TRB.

Inamin ni Sales sa komite na napag-usapan lamang ang mga kapalpakan sa RFID system noong nagkaroon ng consultation meeting makaraang maglabas ang DOTr ng department order ukol sa pagpapatupad ng mandatory cashless transactions sa toll plazas. Inamin din niya na hanggang sa kasalukuyan ay inaasikaso pa rin ng mga toll operator ang mga palyadong RFID sensors.

Binigyang-diin ni Gatchalian at ng chairperson ng Committee on Public Services na si Senador Grace Poe ang kawalan ng schedule of penalties sa ilalim ng kasunduang nilagdaan ng TRB at ng NLEX Corporation – ang operator ng 101-kilometrong North Luzon expressway (NLEx), ang nagsisilbing gateway ng Metro Manila sa mga karatig probinsya sa Northern Luzon.

Nadiskubre rin ng mga senador ang kawalan ng nakalatag na kaparusahan sa implementing rules and regulations (IRR) ng naturang department order ng DOTr o DO No. 2020-012, patakarang nag-uutos ng cashless transactions sa toll roads sa bansa simula noong December 1, 2020.

Napansin din ng mga senador ang kawalan ng performance standards na dapat maging basehan para mapanagot ang mga toll operator sa mga isyu katulad ng palyadong RFID kahit tatlong taon na ang nakalipas matapos lagdaan ng gobyerno at toll concessionaires ang memorandum of agreement (MOA) para sa toll interoperability at electronic toll collection na naging basehan sa pagpapalabas ng DO 2020-012. (NOEL ABUEL)

132

Related posts

Leave a Comment