ISANG sumbong ang ipinarating sa AKOOFW ni Marilyn Cabantugan na nagtatrabaho sa Abdul Azis Ibn Ray, Riyadh, Saudi Arabia.
Sabi ni Marilyn, nakarating siya sa Saudi, sa pamamagitan ng I-Excell Manpower Corporation.
Tapos na ang 2-taong kontrata ni Marilyn noong Mayo 15 ng taong kasalukuyan.
Ngunit, hanggang ngayon ay ayaw pa rin siyang payagan ng kanyang amo na makauwi sa Pilipinas.
Sabi ni Marilyn, “nu’ng 6 months pa lang po ako rito ay pinagbintangan na po nila akong kumuha ng pera. Pinapulis po ako, kaya ako natakot, kaya humingi po ako ng tulong sa agency, pero hindi nila sinagot, o pinakinggan ang hinaing ko”.
Sinabi rin ni Marilyn sa kanyang ahensya ang kawalan ng air condition ng tinutuluyan niyang kuwarto, kaya mistulang nasa tabi siya ng oven tuwing tag-init.
Sabi pa ni Marilyn na “isang beses lang ako binibigyan ng pagkain araw-araw at ito ay tuwing gabi lamang. Kaya, tuwing tanghali ay bumibili na lamang ako ng tinapay, asukal at kape para may mailaman ako sa aking sikmura. Pati na rin ang mga personal na gamit katulad ng sabon, toothpaste ay ako rin po ang bumubili, taliwas sa sinabi ng ahensya ko na ito ay ibibigay nang libre ng aking amo”.
Sabi pa niya: “Tapos na [ang] kontrata [ko] noon pang May 15,2021, pero ayaw pa po nila ako pauwiin. Ang sabi po ay dalawang beses nang na-cancel ang ticket ko, pero wala naman pong ipinapakitang ticket. At ang sabi po ngayon, kung gusto ko umuwi ay ako raw ang magbook ng sarili ko at regular fare lang daw ang sagot nila na worth 1,500 Saudi Riyal, gayung ang kasalukuyang halaga ng ticket ng eroplano ay triple ng halagang ito”.
Dahil dito, nakiusap si Marilyn na siya ay matulungan na tawagan ng pansin ang kanyang ahensya dahil diumano ay hindi sinasagot ang kanyang tawag at paki-usap.
Lubha nang namayat si Marilyn dahil kape at tinapay lamang ang halos araw-araw na pagkain niya dahil sa pagiging madamot ng kanyang employer.
Ang AKOOFW ay nanawagan sa I-Excell Manpower Corp. na kung maaari ay mabigyan nito ng pansin ang panawagan ng kaawa-awang manggagawa na ipinadala nito sa Saudi.
KUNG mayroon kayong nais idulog, o ipaabot, sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address: saksi.ngayon@gmail.com, o drchieumandap@yahoo.com.
216 