ANTIPOLO CITY – Pumulupot sa gulong ang suot na kapote ng isang motorcycle driver na nagresulta sa aksidente na ikinamatay nito sa Sitio Kapatagan, Brgy. San Jose sa lungsod noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa report, kinilala ang biktimang si Jenney “Junior” Herona Jr., residente ng Baras, Rizal at nagdedeliver ng fresh chicken nang mangyari ang aksidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng Suzuki Raider 110cc motorcycle ang 22-anyos na biktima bandang alas-6:05 noong Biyernes ng umaga at patungo sa Marcos Highway.
Habang dumaraan sa kahabaan ng Kapatagan Road si alyas “Junior” sa Sitio Kapatagan, Brgy. San Jose sa Antipolo City, bigla na lamang umanong kinain ng gulong sa hulihang bahagi ng motorsiklo ang kapote ng biktima.
Nawalan umano ng kontrol ang driver at lumipat ito sa kabilang lane na siya namang pagdaan ng kasalubong na L300 van at sumalpok dito nang mawalan ito ng kontrol.
Isinugod sa Antipolo City Hospital System Annex 3-Cabading ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor. (NEP CASTILLO)
179
