OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
ISA sa pangunahing mga suliranin ng milyon-milyon nating mga kababayan na gumagamit ng mga mobile device at internet, ay ang napakabagal na Wi-Fi connection sa halos lahat ng bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.
Sa totoo lang ay malaking sagabal din sa totoong pag-unlad ng ating bansa ang hindi reliable na internet connection, sapagkat apektado nito ang mga transaksyong isinasagawa hindi lamang ng mga pribadong negosyante kundi maging ng mga sangay ng ating pamahalaan.
Ang masakit nito ay mabagal na nga at hindi reliable ang internet connection pero napakamahal namang maningil ng mga telco rito sa bansa.
Nakasasama talaga ng loob ang ating sitwasyon.
Pero alam niyo ba, mga giliw nating mga mambabasa, na may mas masakit pa sa sitwasyon natin sa ngayon?
Iyon ay ang kalagayan ng mga kababayan natin na gusto rin na ma-enjoy ang mga benepisyo na hatid ng modernong teknolohiya kasama na ang internet, pero hindi nila magawa dahil wala talagang koneksyon sa kanilang lugar.
Base sa mga datos ay tinatayang aabot sa 30porsyento ng ating kabuuang 110 milyong populasyon ay walang access sa internet.
Karamihan sa kanila ay iyong nakatira sa malalayong lalawigan at mga isla na wala talagang kahit anomang mga koneksyon para mabigyan sila ng pagkakataong gumamit ng internet.
Sa mga ganitong sitwasyon ay apektado talaga ang mga kabataang mag-aaral sa nasabing mga lugar sapagkat hindi sila makadalo sa kanilang online classes, kaya naman talagang napag-iiwanan sila ng mga kapwa nila estudyante na nasa mga lungsod.
Kaya naman, ito ang gustong solusyunan ni Pangulong Bongbong Marcos kaya’t inatasan niya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na paigtingin ang pagpapatupad ng programang BroadBand ng Masa Project (BBMP).
Pangunahing layunin ng proyekto ang paghahatid ng libreng Wi-Fi connection sa mga lugar at isla na walang internet.
At bilang pagtalima ay hinatiran kamakailan ng DICT ng libreng internet connection ang tatlong malalayong isla sa katimugang bahagi ng Mindanao.
Sa ulat ni DICT Secretary Ivan John Uy ay matagumpay nilang nalagyan ng internet connection kamakailan ang mga isla sa Sacol, Pangapuyan, at Tictabon na pawang nasasakop ng Zamboanga Peninsula.
“Ito po ay katuparan ng pangako ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na abutin natin ang mga liblib na lugar sa buong bansa, at naisip naming gawin at simulan ito sa mga pinakamalalayong isla,” sabi ni Uy.
Dahil sa ginawa ng DICT ay maraming mga residente ang napaluha lalo na ang mga ina na nakikita ang paghihirap ng mga anak na hindi makadalo sa kanilang online classes.
Sana ay ipagpatuloy ng DICT ang programa nilang ito sapagkat bukod sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga ordinaryong mamamayan ay isa rin ito sa mga susi upang tuluyan nang makamit ng bansa ang totoong pag-unlad.
