BULILYASO ang dapat sana’y magarbong Pasko at Bagong Taon ng dalawang pinaniniwalaang karnaper matapos dakpin ng mga operatibang nakatunton ng kanilang kinaroroonan gamit ang Global Positioning System (GPS) device na nakakabit sa tinangay nilang sasakyan.
Arestado sa operasyon ng Manila Police District (MPD) sa San Miguel, Bulacan ang mga suspek na kinilala ni Lt. Col. Cenon Vargas na sina Pipoe Silverio at Alvin Castro, kapwa residente ng Barangay Bagong Barrio sa lungsod ng Caloocan.
Ani Vargas, dumulog sa kanilang himpilan ang 39-anyos na si Ryasan Sanchez kaugnay ng pagkawala ng Toyota Hi-Ace (DBY-3195) na pag-aari ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuhan. Aniya, ninakaw ang naturang sasakyan sa kanilang warehouse sa Tondo, Maynila, bagay na agad naman niyang idinulog sa pulisya.
Bunsod ng reklamo, agad na inatasan ni Vargas si Lt. Ramil Dionisio na siyang personal na nag-imbestiga kaugnay ng sumbong ng biktima.
Sa tulong ng nakakabit na GPS tracker sa sasakyan, mabilis na natunton ang ninakaw ng sasakyan sa bayan ng San Miguel, sa lalawigan ng Bulacan at nadakip ang mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)
