MAUULIT lang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, ang karanasan ng sambayanan na hindi pinapanagot ang mga nagkakasala sa bayan kaya maging sunud-sunuran lang ang Kongreso sa kanya.
Ginawa ni dating Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino ang pahayag dahil walang senyales na aaksyunan ng Kongreso ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at mapanagot ito sa paglustay sa pera ng bayan.
“The accountability of public officials should not lie at the whims of President Marcos,” ayon sa dating mambabatas kaya kailangang aksyunan ng Kongreso ang impeachment case may basbas man o wala ang Pangulo.
Ipinaliwanag nito na constitutional duty ng Kongreso na panagutin ang mga nagkasala sa bayan kaya dapat aniyang aksyunan ang mga reklamong inihain ng tatlong grupo laban sa pangalawang pangulo.
Mas kailangan aniyang gawin ito ng Kongreso dahil sa survey aniya ng Social Weather Station (SWS), 41 porsyento sa publiko ang naniniwala na dapat maimpeach si Duterte, 35% ang hindi pabor habang 19 porsyento ang undecided.
“Malaking porsyento ito, patunay na maraming naniniwala na dapat managot si VP Duterte sa kanyang paggamit ng confidential and intelligence funds,” ayon pa sa dating mambabatas.
Hanggang kahapon ay hindi pa ipinapasa ng Office of the Secretary General ang impeachment complaint sa Office of the Speaker kaya nangangamba ang mambabatas na magiging rubber stamp ang Kongreso kaya sumusunod lang ito sa kapritso ni Marcos.
Magugunita na sinabi ni Marcos na hindi ito pabor sa pagpapaimpeach kay Duterte dahil mas maraming problema ang bansa na dapat unahin na isa sa itinuturing ni Casiño na dahilan kaya hindi kumikilos ang Kongreso.
“Ang impeachment ay isang mahalagang proteksyon na nagtitiyak na ang mga matataas na opisyal ng gobyerno ay mapapanagot. If President Marcos Jr. is serious about his commitment to good governance, he must allow Congress to independently address the allegations against VP Duterte,” ayon sa dating solon.
“Otherwise, he risks repeating the same failures of accountability that plagued his father’s administration,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
