P25-M PARA SA DEMOLITION JOB VS VP SARA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NASA P25 milyon ang paunang pondo na ginamit ng mga kalaban para siraan si Vice President Sara Duterte.

Bahagi ito ng pagbubunyag ni VP Sara sa pagharap sa kanyang Filipino supporters sa Tokyo, Japan, noong weekend.

Naniniwala si VP Sara na patuloy ang pagbuhos ng pera ng kanyang mga kalaban para pabagsakin siya.

“Kasi noong nangyari ‘yon, noong 2023 doon sa budget sa Department of Education and Office of the Vice President, sinabihan na ako no’ng kilala ko, kaibigan ko sa loob ng PR industry ng National Capital Region. Sabi nila, ang unang baba was P25 million para banatan ka,” anang bise presidente.

Mismong ang kaibigan umano aniya sa PR industry na taga-Metro Manila ang nagkumpirma nito sa kanya.

Ayon pa sa Bise Presidente, may mga bumabanat sa kanya ngayon na naging kaibigan niya sa mga nakalipas na administrasyon.

Aminado rin ito na ngayon niya napagtanto na hindi lahat ng politiko ay kaibigan niya.

“Mayroon lang akong realization na lahat pala ng politiko ay hindi mo kaibigan. Ang kaibigan mo lang talaga iyong taumbayan. Totoo ‘yan,” ani VP Sara.

Nang matanong naman sa posibilidad ng pagtakbo sa 2028 national elections, tumugon si VP Sara ng: “We are seriously considering.”

Hindi naman nito binanggit kung anong posisyon ang pinag-iisipan niyang takbuhan sa 2028 pero nauna nang ipinanawagan ng mga taga-suporta at kaalyado ng pamilya Duterte na tumakbo siyang pangulo ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay may tatlong nakahaing impeachment complaint laban kay Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Iniulat ding may isa pang posibleng ihain.

Kabilang sa mga reklamo sa Bise Presidente ang hindi nito maipaliwanag na paggasta sa kanyang confidential funds.

77

Related posts

Leave a Comment