NANAWAGAN ang ilang kasapi ng Association of Retired RTC Judges of the Philippines Inc. (ARRJOP) at Philippine Judges Association (PJA) kay Acting Ombudsman Dante Vargas na ibasura ang administrative case na isinampa ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Sur laban sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Ang kaso ay kaugnay ng renewal ng lisensya ng STL operator sa naturang probinsya.
Sa reklamo, idinawit ang dating hukom at kasalukuyang PCSO chairman Felix P. Reyes, na isa rin sa mga aplikante para sa posisyon ng susunod na Ombudsman. Noong Agosto 4, 2025, naghain si Reyes ng Ex-Parte Motion para alisin siya bilang respondent, ngunit hanggang ngayon ay wala pang aksyon mula sa Office of the Ombudsman. Gayundin, nananatiling walang tugon sa joint affidavit na inihain ng mga opisyal ng PCSO noong Hunyo 11, 2025.
Ayon sa mga retiradong hukom, walang direktang akusasyon o ebidensya na nag-uugnay kay Reyes sa anomang krimen o administratibong paglabag. “Bilang chairman ng board, ang papel ni Judge Reyes ay nasa policy level lamang, at wala siyang kinalaman sa araw-araw na operasyon ng PCSO,” diin ng grupo.
Iginiit nila na dapat nang maglabas ng desisyon upang maiwasan ang agam-agam na may kinikilingan si Vargas, lalo na’t matunog na naghain din ng mosyon si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla para ibasura ang kasong isinampa laban sa kanya ni Senadora Imee Marcos. Ang reklamo kay Remulla ay may kinalaman sa umano’y papel niya sa pagsuko kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) noong Marso 2025.
Dagdag pa ng grupo, kailangang ipakita ng Ombudsman ang patas na pagtrato sa parehong mosyon nina Reyes at Remulla. Mahalaga umano ang agarang desisyon lalo na’t nakasalalay dito ang paglalagay ng pangalan ni Reyes sa shortlist para sa kapalit ng nagretirong Ombudsman na si Samuel Martires.
“When the status is ‘pending,’ rumor fills the vacuum. The public deserves dated decisions on matters that touch any applicant—before deliberations, not after. This is not about favoring Reyes or handicapping Remulla; it is about making a decision visible so the shortlist reflects merit, not drift, nor the absence of a page,” ani ng ARRJOP at PJA.
134
