SA kabila na nagkalat ang close circuit television (CCTV) camera sa lungsod ng Pasig, bigo ang pulisyang dakpin ang gunman na pumaslang sa isang 32-anyos na lalaki sa harap mismo ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bambang nito lamang nakaraang Sabado.
Hindi na nakuha pang isugod sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Gilson Pillarina Garcia na agad ding namatay sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Ayon sa kanyang asawang kinilalang si Maricel David, bandang alas-6:00 ng umaga nang pasukin sila ng isang armadong lalaking agad na ipinutok ang baril.
Ayon kay David, katabi siya mismo ng biktima nang mangyari ang insidente.
“Nakita ko lang naka-jacket siyang itim at nakasumbrerong itim at mask na itim… Tapos payat at maliit,” ani David bagama’t may suspetsa na siya kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.
Nang tanungin kung sino sa tingin niya ang maaaring nasa likod ng pamamaslang, ani David – “Sila doon sa bukid… Sina Nano, Jonjon at Eboy… sila lang ang nagbanta non sa asawa ko. Lagi nilang sinasabi sa akin, ililibing na namin ‘yan ha… Malawak ‘yung paglilibingan dito. At walang makakaalam,” sambit pa aniya sa kanya ng nabanggit na mga lalaki.
Kaugnay nito, pinatutukan na ni Philippine National Police chief, Gen. Guillermo Eleazar sa Pasig City PNP ang nasabing pamamaslang.
