KASO VS TRILLANES TULOY

HINDI dapat magsaya si dating Senador Antonio Trillanes IV dahil hindi pa tapos ang administrasyong Duterte sa ginawa niyang dalawang kudeta laban sa rehimen ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Tila ganito ang idineklara ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos ibasura ng Court of Appeals (CA) ang hatol ng isang sangay ng Makati Regional Trial Court (Makati – RTC) sa kasong rebelyon laban kay Trillanes.

Idiniin ni Guevarra na hindi pa pinal na tapos ang kasong kriminal ng dating senador dahil kinumpirma ng ikaanim na dibisyon ng CA na “legal” ang Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 na pagbawi ng pamahalaan sa amnestiyang ibinigay ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III kay Trillanes.

Nangangahulugang umiiral ang pagpapatupad ng Proclamation 572 na siyang gagamitin ng Department of Justice (DOJ) sa paghahabol sa atraso ni Trillanes sa estado.

“[T]he battle is certainly far from over,” pahayag ni Guevarra.

Inamin ni Guevarra na katuwang niya si Solicitor General Jose Calida sa ikakasang laban ng administrasyong Duterte kay Trillanes.

Si Trillanes at mga kasamahang sundalo ay nag-aklas laban sa administrasyong Arroyo, ngunit nabigo ang mga itong pabagsakin ang huli. (NELSON S. BADILLA)

258

Related posts

Leave a Comment