Kasunod ng ‘shoot-to-kill’ order ni Digong 3 patay, ilan pang aktibista nawawala ‘DEADLY RAID’ SA CALABARZON

NI LOU DEL CARMEN

TATLO ang iniulat na napatay habang may ilang nawawala sa halos magkakasabay na “raid” ng umano’y nagpakilalang mga pulis sa mga bahay at tanggapan ng makakaliwang grupo sa Calabarzon area nitong Linggo.

Ang madugong raid ay naganap matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tropa ng pamahalaan na “shoot and kill right away” ang mga komunista na patuloy na gumagawa ng krimen tulad ng pangingikil, rape at panununog.

Sa sinasabing ‘police raid’, kabilang umano sa napatay si Manny Asuncion, kilalang lider ng grupong Bayan sa Cavite.

Batay sa Facebook post ng mga grupong College Editors Guild of the Philippines at Gabriela Youth Southern Tagalog, pinasok ng mahigit 20 armadong nagpakilalang mga pulis, ang tanggapan ng Worker’s Assistance Center sa Salitran, Dasmariñas City kung saan naabutan si Asunsion, ang misis nito at isang miyembro ng grupong Kabataan.

Pagkaraan ay nakarinig ng sampung putok at makalipas ang ilang saglit ay dinala ng mga armado ang duguang katawan ni Asuncion.

Ayon sa dalawang nakaligtas, nagpakilalang mga pulis-Laguna ang kalalakihan na ang iba ay nakasuot ng uniporme ngunit may takip ang name tag.

Kasabay nito, pinasok din umano ng mga ‘pulis’ ang opisina ng Defend Yulo Farmers sa Cabuyao at mga komunidad ng Hacienda Yulo, Calamba, Hacienda Looc sa Nasugbu at Sitio Kaunlaran sa Montalban.

Ayon sa PAMANTIK-KMU, napatay rin ang dalawa pang kinilala lamang sa mga pangalang “Makmak” na umano’y miyembro ng samahang San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (SIKKAD) at isang “Ka Greg” na isang peasant leader matapos magkaroon ng sunod-sunod na putukan na umano’y kaugnay pa rin sa raid sa bahay ng mga aktibista sa Kasiglahan Village sa Montalban, Rizal.

Dalawa pang labor leader, sina Moises Bragain na isang senior citizen, at isang miyembro ng Kabataan, na nagngangalang Dodong, ang iniulat na nawawala makaraan ang pagsalakay sa Montalban.

Sa Cabuyao, Laguna, sa bisa ng search warrant ay pinasok at hinuli sina Steve Mendoza ng OLALIA-KMU, Elizabeth “Mags” Camoral ng BAYAN-Laguna, at Nimfa Lanzanas ng KAPATID-ST sa kanilang bahay sa Barangay Mamatid.

Nawawala rin umano sina Chai Lemita-Evangelista, Raymart Evangelista, at Ariel Evangelista, kasama ang kanilang 10-anyos na anak matapos ang raid sa kanilang bahay sa Nasugbu, Batangas.

Kinukondena ng iba’t ibang aktibistang grupo ang anila’y ilegal na pag-aresto, pagsalakay at pagpatay sa mga aktibista at human rights defenders ng Timog Katagalugan.

Noong nakalipas na linggo ay nagsagawa ng malawakang kilos protesta ang mga aktibistang grupo sa Crossing Calamba at isinigaw na itigil ng mga awtoridad ang umano’y “tokhang” sa kanilang hanay partikular sa Calabarzon region.

Wala pang inilalabas na opisyal na report ang PNP hinggil sa magkakasunod na insidente.

Inilabas ni Duterte ang “kill the armed communist right away order” sa pulong ng pambansa at pangrehiyong yunit ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Cagayan de Oro City noong Biyernes dahil pawang mga “bandido” raw ang mga gerilya ng New People’s Army (NPA).

Idiniin ng pangulo na huwag nang intindihin ng mga sundalo ang isyu ng “karapatang-pantao” sa kanyang utos.

Ang NPA na itinatag noong Marso 29, 1969 ay armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Pinakamatagal na armadong pakikibaka sa Asya, ang isinusulong ng CPP-NPA. (May dagdag na ulat si NELSON S. BADILLA)

245

Related posts

Leave a Comment