Kasunod ng U.S. military attacks sa Venezuela US EMBASSY TINUTUTUKAN NG PNP

INALERTO ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan sa Kamaynilaa na tutukan ang United States Embassy in Manila sa posibleng banta sa seguridad kasunod ng ginawang military attack sa Venezuela.

Nabatid na nakaalerto ang PNP sa posibleng paglulunsad ng mga kilos-protesta sa US Embassy matapos ang pag-atake ng Amerika sa Venezuela at pagdukot sa lider nito.

“We are prepared for any protest action and similar activities. Our police units… are monitoring the situation in their respective areas and ready to respond to any eventuality,” ayon kay Acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Nabatid na may ilang embahada na ng US sa ibang bansa ang nakararanas ng mga kilos-protesta na nagpapahayag ng pagkondena sa ginawang pag-atake sa Venezuela.

“Our units are closely monitoring the US Embassy and other critical locations. We have police personnel on standby to ensure that these places will be orderly and peaceful,” ani Nartatez.

Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang lahat ng local police units, partikular ang Manila Police District at National Capital Region Police Office, na maging alerto at patuloy na makipag-ugnayan sa local government units at barangay officials para sa seguridad ng mahahalagang lugar.

Bukod dito, inatasan din niya ang PNP intelligence units na bantayan ang social media at public forums para sa anomang posibleng plano ng protesta.

Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay nagsagawa ng serye ng military attack ang U.S. laban sa Venezuela at inaaresto si Pangulong Nicolas Maduro at asawa nitong si Cilia Flores upang humarap sa mga kasong isinampa laban sa kanila kaugnay sa kasong narco-terrorism sa New York.

Samantala, inihayag naman ng Department of Foreign Affairs na dapat magpakita ng restraint ang lahat ng partido, habang ilang mambabatas naman ang kumondena sa atake bilang “illegal invasion.”

(JESSE RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment