ISANG sumbong ang aking natanggap mula sa OFW na nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Siya ay si Aileen Planco na nakarating sa nasabing bansa noong Mayo 7.2019, sa pamamagitan ng High Mark Manpower Agency at ang ahensya naman sa Saudi Arabia ay ang Al Enjaz Al Sarea Recruitment Agency.
Sa simula pa lamang ng kanyang pagdating sa kanyang among Arabo ay sobra siyang nanibago sa pagtatrato nito na taliwas sa sinabi ng ahensya na mabuti ang kanyang magiging kalagayan at trabaho.
Ayon kay Aileen, masyadong madamot ang kanyang amo na maging ang kanyang pagkain sa araw-araw ay ipinagdaramot.
Dahil dito, naapektuhan ang kanyang araw-araw na gawaing bahay dahil malimit na siya ay nanghihina dahil kulang ang kinakain niya.
Maging ang kanyang mga gamit sa pang-araw-araw tulad ng sabon, shampoo at toothpaste na ipinangako ng ahensya na sagutin ng employer ay hindi rin natupad dahil siya mismo ang kailangang bumili nito.
Dalawang taon niyang tiniis ang ganitong kalagayan dahil ang nasa isip niya ay matapos lamang ang dalawang taon ay makauuwi na siya at matatapos na ang kalbaryong kanyang dinaranas.
Lagi na lamang niyang iniisip ang kanyang pamilya upang magkaroon siya ng lakas ng loob sa hangaring makauuwi siya nang buhay matapos ang dalawang taong kontrata.
Ngunit, ang kanyang dalawang taon na paghihintay para matapos ang kanyang kontrata at makauwi sa Pilipinas ay hindi nagkaroon ng katuparan dahil ayaw pumayag ng kanyang employer na makabalik siya sa Pilipinas.
Labis-labis ang pagsusumamo ni Aileen na siya ay matulungan ng ating gobyerno lalo na ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang siya ay masaklolohan upang makaalis sa kanyang amo.
Habang tumatagal kasi ay lalo umanong nagiging mahirap ang kanyang pinag-daraanan sa kamay ng kanyang amo.
Labis ding nag-aalala si Aileen dahil sinira umano ng kanyang among lalaki ang kandado ng kanyang kuwartong tinutulugan at nangangamba siya na baka sa gabi ay pasukin siya nito at gahasain.
Sa kabilang banda, dinoble naman ng amo ang padlock ng kanilang main door upang hindi siya makalabas sa tahanan tuwing umaalis ang kanyang mga employer.
Sinubukan na ni Aileen na magsumbong sa kanyang ahensyang High Mark Manpower Agency, ngunit ang tinugon lamang sa kaniya ay sarado na ang kanilang ahensya at wala na silang magagawa.
Dahil dito, ang AKOOFW ay nanawagan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na papanagutin ang High Mark Manpower Agency at i-hold ang surety bond nito upang masigurong may mahahabol pa si Aileen sakaling ito ay mag-file ng kaso laban sa ahensya.
Samantala, ang sumbong ni Aileen ay agad nating ipinadala sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Overseas Operations para sa agarang aksyon din nito.
