Kaya bagsak ratings – Amihan PRES. MARCOS JR. ‘INUTIL’ SA PAGTUGON SA KRISIS

MINALIIT ng kababaihang magsasaka ang kakayahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtugon sa krisis sa ekonomiya na dahilan anila kaya hindi umangat ang ratings nito.

Ayon sa grupong Amihan, magagalit lalo ang mga Pilipino kay PBBM dahil wala siyang ginagawang aksyon para maibsan ang epekto ng big-time oil price hike ng mga kumpanya ng langis.

Sinabi ni Amihan secretary general Cathy Estavillo na kaya ni Marcos pigilan ang epekto sa mga Pilipino ng pagtaas ng presyo ng langis sa world market sa pamamagitan ng pagbasura sa Oil Deregulation Law, pag-alis sa excise at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.

“Kaya nga bagsak ang ratings ni Marcos, dahil inutil ito sa papalalang krisis pang-ekonomiya, lalona sa pagtaas ng presyo ng pagkain at bilihin. Tapos may ganitong oil price hike, kaya siguradong magagalit pa lalo ang taumbayan sa kanyang rehimen,” ani Estavillo.

Hindi lang aniya sektor ng transportasyon ang maaapektuhan sa oil price hike kundi maging ang mga magsasaka, mangingisda na umaasa sa langis para sila ay makapagtanim at makapangisda sa karagatan.

Bukod dito ay inaasahan din aniya ang pagtaas pa lalo ng presyo ng mga bilihin, serbisyo publiko tulad ng kuryente at pamasahe subalit walang aksyon ang Pangulo.

“Maliit na ang kita ng mga pamilyang magsasaka at maralita, pinagkakasya sa nagmamahal na pagkain at iba pang pangangailangan, lalona na ngayong pasukan ng mga anak sa mga paaralan. Si Marcos ay malinaw na kontra-magsasaka, kontra-maralita at kontra-Pilipino,” deklara ni Estavillo.

Matagal na aniya ang panawagan ng sambayanang Pilipino na amyendahan ang nasabing batas at tanggalin ang mga buwis sa mga langis subalit nagsasawalang-kibo si Marcos kaya asahan na lalong maghihirap ang mamamayan.

“Patuloy na makakaranas ng kahirapan at kagutuman ang taumbayan kung mananatili ang Oil Deregulation Law, Rice Liberalization Law at iba pa. Hinihimok namin ang lahat ng kababaihan na tayo’y mangalampag na madalas dahil tayo ang unang naaapektuhan ng matinding krisis pang-ekonomiya ng bansa,” ayon pa sa lider ng kababaihang magsasaka.

Naniniwala rin si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na lalong gagapang sa kahirapan ang mga Pilipino dahil sa sunod-sunod na oil price increase.

Ang pagkabahala ng mambabatas ay kasunod ng big-time oil price increase na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis dahil sa pagtaas sa presyo ng krudo sa world market dulot ng alitang ng Israel at Iran.

“Panibagong dagok na naman ito para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga nanay na araw-araw nagsusumikap para mairaos ang pagkain sa hapag. Taun-taon na lang paulit-ulit ang cycle ng oil price hikes na agad sinusundan ng taas-presyo sa pagkain at pamasahe,” ani Brosas.

Kahapon, Martes, ay ipinatupad na ng mga kumpanya ng langis ang unang bugso ng dagdag presyo kung saan P1.75 ang idinagdag sa kada litro ng gasolina, P2.60 sa diesel at P2.40 sa gaas.

Sa pag-uusap ng mga kinatawan ng oil companies at ni Department of Energy (DOE) acting secretary Sharon Garin, napagkasunduan utay-utayin ang ang oil price hike.

Subalit ayon kay Brosas, pampalubag-loob lamang na hindi itinodo ang dagdag na presyo.

“Dapat i-suspend na ng gobyerno ang 12% VAT sa langis. Agad itong magbibigay ginhawa sa milyun-milyong mamamayang hirap na hirap na—lalo na sa kababaihan na kailangang pagkasyahin ang kakarampot na kita para buhayin ang pamilya,” ayon sa mambabatas.

Bukod sa VAT ay pinatawan din ng excise tax ang mga diesel at liquified petroleum gas (LPG) matapos ipatupad ng nakaraang administrasyon ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Hindi sapat ang mga promo at discount na pinag-uusapan ng DOE at oil companies. Ang kailangan ay konkretong aksyon para pigilan ang pagsirit ng presyo. At kahit pansamantala, malaking bagay kung tatanggalin ang buwis sa langis,” paliwanag ni Brosas.

(BERNARD TAGUINOD)

31

Related posts

Leave a Comment