Kaysa maging ‘walking spreaders’ – Duterte HINDI BAKUNADO IKULONG SA BAHAY

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga awtoridad na tiyakin na nasa loob ng bahay ang unvaccinated individuals o mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 dahil ang mga ito ay “walking spreaders.”

Sa kanyang Talk to the People, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa mga pulis at barangay officials na eskortan ang mga hindi pa bakunadong indibidwal pabalik ng kanilang bahay at huwag hayaan ang mga ito na pakalat-kalat sa labas.

“Itong ayaw magbakuna, sinasabi ko sa inyo, ‘wag kayong lumabas ng bahay kasi ‘pag lumabas kayo, sabihin ko sa mga pulis na ibalik kayo sa bahay niyo because you are a walking spreader,” ayon sa Pangulo.

“Kaya kung ayaw ninyo makatulong by having the vaccines, ‘wag na lang kayo lumabas ng bahay,” dagdag na pahayag nito.

Inamin ng Pangulo na “defenseless” ang gobyerno pagdating sa pagbibigay ng parusa laban sa mga tumatangging magpabakuna.

Aniya, trabaho na ng barangay captains na tiyakin na ang mga nasabing indibidwal ay nananatili sa kanilang bahay.

ECQ sa Metro hindi na kaya

Kaugnay nito, hindi na kakayanin ng Malakanyang na ilagay ang National Capital Region (NCR) pabalik sa “strictest” enhanced community quarantine (ECQ) nang basta-basta.

Ang dahilan ni Presidential spokesperson Harry Roque, wala nang budget para sa panibagong cash aid sa mga maaapektuhan ng lockdown.

Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay tugon sa pahayag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos na may 17 alkalde ng Kalakhang Maynila ang handa na magpatupad ng ECQ sa loob ng dalawang linggo, subalit dapat lamang ay mayroong ibibigay na cash aid ang gobyerno sa mga apektadong residente.

“We assure the mayors that we are closely monitoring the Delta variant, we are employing whole of nation approach. Hindi basta basta pwede mag-ECQ sa Metro Manila. Hindi ko po alam kung meron tayong ayudang maibibigay,” ayon kay Sec. Roque.

“60 percent of our GDP (gross domestic product) is from NCR Plus 8. Under a complete lockdown, people will lose jobs. Habang tayo ay nasa moderate risk, hayaan po muna natin magtrabaho ang ating mga kababayan,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque na ang tinutukoy ay ang naging deklarasyon ng Health department na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng moderate risk of COVID-19.

Ang NCR Plus 8 ay kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Metro Cebu, at Metro Davao. (CHRISTIAN DALE)

132

Related posts

Leave a Comment