KENKOY ANG CHINA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

BINOMBA ng puwersa ni US President Donald Trump ang security facilities sa Venezuela at sa harap ng ipinagmamalaki nilang mga military hardware na binili nila sa China at Russia, nadukot ng mga Amerikanong sundalo ang kanilang Pangulong si Nicolas Maduro.

Kabilang ang China sa mga sumisigaw na dapat daw igalang ng Amerika ang international law hinggil sa kasarinlan ng mga bansa tulad ng Venezuela na nilabag ni Trump nang aprubahan nito ang pag-atake at paghuli kay Maduro.

Natawa ako sa reaksyon ng China dahil sila mismo ay walang paggalang sa international law dahil sa ginagawa nila sa West Philippine Sea (WPS) na teritoryo ng Pilipinas pero ilegal nilang inaangkin.

Noong June 16, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang teritoryong inaangkin ng China sa WPS ay pag-aari ng Pilipinas pero hindi nila iginalang at wala silang pakialam sa international law.

Maraming bansa ang kumokondena sa aksyon ng China sa WPS tulad ng pagwo-water cannon sa Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisdang Pinoy sa WPS dahil paglabag ito sa international law pero wala silang pakialam at pinagtatawanan pa nila tayo.

Paglabag din sa international law ang patuloy na pagpapadala ng China ng kanilang warship sa WPS ngunit wala silang pakialam pero kapag ang kanilang interes na ang nasasagasaan ay kumakapit sila sa international law?

Malaki ang interest ng China sa Venezuela dahil daang bilyong dolyar ang kanilang in-invest dito at ang bayad ay langis mula sa bansang ito na may pinakamalaking oil deposits daw sa buong mundo.

Kasama rin sa kasunduan ng dalawang bansang ito ay sa China bibili ang Venezuela ng military hardware para maproteksyunan ang seguridad laban sa mga bansang kaaway nila tulad ng Amerika.

Kaya hindi man sila ang direktang inatake ng Amerika, apektado ang China sa aksyong ito ni Trump laban sa diktador na si Maduro, dahil nanganganib ang kanilang investment, at mababawasan ang kanilang supply sa enerhiya dahil baka matigil ang pag-supply ng Venezuela ng langis.

Hindi si Maduro ang kanyang concerned dito kundi ang kanilang interest dahil malamang na hindi na rin makapagbenta ng military hardware (na wala naman palang silbi) ang China sa Venezuela kapag tuluyang kinontrol ng Amerika ang bansang ito, kaya malaking dagok ito kay Xi Jinping.

Ito ang dahilan kaya nagngangawa sila ngayon na nilalabag daw ng Amerika ang international law, ang batas na sila mismo ay ayaw kilalanin at igalang tulad ng ginagawa nila sa Pilipinas. Ungas ‘di ba?

88

Related posts

Leave a Comment