Kinastigo ng kababaihan sa pagkapit sa political dynasty VILLAR NAGSISILBI SA SARILI HINDI SA TAO

LALONG nabanas ang mga progresibong grupo kay Senadora Cynthia Villar matapos nitong sabihin na walang masama sa political dynasty kagaya ng kanyang pamilya kung nagsisilbi naman ng tapat sa bayan at hindi nanloloko ng mga tao.

Sa mga katagang ito’y sadyang nadismaya ang mga kritiko para ipunto kay Villar na “walang mabuting political dynasty na tunay na nagsisilbi sa tao” at “modelo ng burukratang kapitalismo ang mga Villar.” Reaksyon ito ni Amihan secretary-general Cathy Estavillo na hindi nagustuhan ang tila pagmamalinis umano ng graduating senator.

“May amnesia ba si Villar na ang pamilya nila ay land grabber at burukratang kapitalista? Malaki ang kasalanan niya sa mga magsasaka at kababaihang magbubukid dahil sa pang-aagaw nila ng mga lupang sakahan para gawing mga subdibisyon,” idiniin Estavillo.

Hindi rin umano maituturing na pagsisilbi sa mga tao ang pinonente ni Villar na Rice Liberalization Law dahil naging dahilan ito ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka at bumaha ng imported na bigas sa bansa habang nananatiling mataas ang presyo nito at hindi abot-kamay ng mamamayan.

Ayon pa kay Estavillo, “ang mga Villar ay modelo ng burukratang kapitalismo sa bansa at ang pagkamit ng kapangyarihan nito sa gobyerno ay nagbigay-daan para paboran ang kanilang mga sariling negosyo” kaya ang asawa niya na si dating Senate President Manny Villar ay pangatlo sa pinakamayaman sa Pilipinas na may networth na US$19.4 bilyon.

Malawakan rin umanong inirereklamo ng taumbayan ang pagkontrol ng mga Villar sa 100 water district sa bansa na may joint venture agreement sa Prime Water na pag-aari ng kanilang pamilya.

“Alam ng taumbayan na hindi sila pro-people, bagkus kontra-magsasaka, kontra-mangingingisda at kontra-maralita. Kaya nga tumatakbo ang political dynasty para pagsilbihan ang interes at mga negosyo nila. Alam ba niya ang ibig sabihin ng ‘serve the people’ na ang katotohanan sa kanila ay ‘serve the family,” parunggit ni Estavillo.

Si Villar ay tumatakbo muling kinatawan ng Las Piñas habang ang anak na si Representative Camille Villar ay tumatakbo bilang senadora. Incumbent senator naman ang isa pa niyang anak na si Mark Villar hanggang 2028. (PRIMITIVO MAKILING)

111

Related posts

Leave a Comment