TAUMBAYAN SALAT SA TRANSPARENCY AT ACCOUNTABILITY NG GOBYERNO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

“SALAT ang taumbayan sa gobyerno sa transparency at accountability,” ayon kay senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez.

Sa isang panayam sa SMNI matapos ang oral argument sa Korte Suprema ukol sa kwestyonableng bicameral committee report ng 2025 national budget, muling ipinaliwanag ni Rodriguez ang kahalagahan ng pagpapanagot sa mga nasa gobyerno.

Marapat lamang aniyang hanapin ng taumbayan kung paano at saan dinadala ng gobyerno ang perang awtomatikong kinukuha sa kanila bilang mga taxpayer.

Sa nasabing oral argument kamakalawa, inatasan ng Korte Suprema si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na sumipot sa susunod na talakayan.

Ayon mismo kay Atty. Rodriguez, inatasan ng Korte Suprema si Quimbo at mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at House of Representatives, na humarap sa pagpapatuloy ng oral argument patungkol sa isyu sa Abril 1, 2 at 3, 2025.

“Ipinag-utos ang pagdalo at presensya ng mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at House of Representatives,” saad pa ni Rodriguez sa kanyang Facebook post.

Nauna rito, nagsampa ng petisyon si Rodriguez sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa legalidad ng 2025 GAA budget dahil sa nadiskubreng blangkong items sa bicam report ng Kamara at Senado.

Bukod kay Atty. Rodriguez, partitioner din sa reklamo sina Davao City 3rd District Representative Isidro Ungab, Rogelio Mendoza, Benito Ching Jr., Redemberto Villanueva, Roseller dela Peña, Santos Catubay, at Dominic Solis.

24

Related posts

Leave a Comment