HINDI nag-iisa si Mary Grace, na may apelyidong ‘Piattos’, na kasama siya sa mga recipient ng intelligence funds mula sa tanggapan ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Bukod dito, isiniwalat ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V ng Unang Distrito ng La Union na isa sa mga tumanggap ng intelligence fund ay kapangalan ng isang cellphone brand na gawa sa China.
“New documents from the impeachment complaint show that Mary Grace Piattos was not alone. Two other names, seemingly linked to her, have surfaced—’Pia Piatos-Lim’ and ‘Renan Piatos’,” pagsisiwalat ni Ortega.
Ang pagkakaiba lamang nina Pia at Renan ay isang letrang ‘T’ lamang ang apelyido ng mga ito habang dalawa namang letrang T’ ang sa huling pangalan ni Mary Grace na unang idineklara ng Philippine Statistic Authority (PSA) na walang ganitong pangalan sa kanilang data base.
“Grabe naman ang ‘special treatment’ sa pamilya Piattos. May Mary Grace Piattos, may Pia Piatos-Lim, may Renan Piatos. Ano bang mayroon sa kanila at parang qualified silang lahat makatanggap ng confidential funds?” tila pambubuska ni Ortega.
Maliban sa mga nabanggit ay may isa pang recipient din na lumagda umano sa acknowledgement receipt (AR) na tumanggap siya ng intelligence funds ay nagngangalang ‘Xiaome Ocho’ na katunog ng 2018 model ng Xiaomi mobile phone.
“Ang akala natin, isang pangalan lang ang katawa-tawa sa listahan ng mga confidential funds recipient. Pero mukhang may buong pamilya na ng ‘Piattos’ at pati isang cellphone model na nakasama,” ayon pa sa kinatawan ng La Union.
Nabatid na kasama umano ang mga dokumentong ito sa mga ebidensyang sa article of impeachment na isinumite ng Kamara sa Senado noong Disyembre 5, 2024, partikular na sa kasong graft and corruption laban kay VP Duterte.
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit in-impeach ang pangalawang pangulo ay dahil sa kwestyonableng paggastos nito sa kanyang confidential funds noong 2022 na nagkakahalaga ng ₱125 milyon na inubos sa loob ng 11 araw lang.
Bukod ito sa ₱500 milyong confidential funds na ibinigay sa Office of the Vice President (OVP) at ₱150 milyon sa Department of Education (DepEd) noong 2023 subalit naging kuwestiyonable din ang paggamit dito lalo na’t natuklasang marami sa mga recipient, tulad ni Mary Grace Piattos, ay hindi totoong tao.
“Anong klase itong confidential funds disbursement na hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap? Public funds ito, pero parang ginamit sa isang imaginary payroll. Sino ang Pia Piatos-Lim, Renan Piatos, at Mary Grace Piattos? Sino si Xiaomi Ocho? Paano ginamit ang confidential funds na sinasabing napunta sa kanila?” urirat ni Ortega na dapat aniya’y sagutin ni Duterte pagdating sa kanyang impeachment trial. (PRIMITIVO MAKILING)
