(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY KIER CRUZ)
LUMUTANG sa National Bureau of Investigation (NBI), ang mga kinatawan ng WellMed Dialysis and Laboratory Center Corporation para makipag-kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa ibinulgar na ‘ghost dialysis” claim.
Tiniyak ni Atty. Ernesto Parnado, abogado ng WellMed na nakahanda silang harapin ang anumang imbestigasyon ng kahit anumang ahensiya ng pamahalaan.
Kasabay nito, binaligtad ng abogado ang alegasyon sa WellMed kaugnay sa ghost dialysis claim at sa halip sinabi nito na ang mga whistleblower na sina Edwin Roberto at dating empleyado ng WellMed na si Liezl Santos ang siyang nagbubulsa ng mga ibinabayad ng pasyente at pagkatapos ay ginagawan nila ng paraan na mai-claim sa Philhealth.
“Kasi ang isang pasyente ay puwedeng magpa-dialysis ng hanggang 19 na beses na libre sa loob ng isang taon, pagkatapos ay magbabayad na sila, iyon ang ibinubulsa ng dalawa,” ayon kay Parnado.
Ayon pa kay Parnado, mas mabuti kung magkaroon ng imbestigasyon para malaman kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.
Una nang sinabi ni Roberto na patuloy na sinisingil ng WellMed ang mga pasyente kahit na namatay sa bahay o sa hospital.
Samantala, iniutos naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra kay NBI Director Dante Guerran na magsagawa ng imbestigasyon at case build -up laban sa WellMed at iba pang Dialysis Centers na posibleng sangkot sa ghost dialysis claim.
Sa inilabas na Department Order 287 ni Guevarra, inatasan nito ang NBI na magsumite ng report kaugnay sa resulta ng imbestigasyon.
