Kita mula sa fuel marking program P453B PASOK SA BANGA

TUMATAGINTING na P453 bil­yon na ang naitalang kita ng gobyerno mula nang simulang ipatupad ng Bureau of Customs (BOC) ang “Fuel Marking Program” na sad­yang binalangkas sa hanga­ring sawatain ang oil smuggling sa bansa.

Ayon mismo kay outgoing Finance Sec. Carlos Dominguez III, higit pa sa kontra-fuel smuggling ang bentahe ng naturang programa kasabay ng panawagan sa susunod na administrasyon na ipagpatuloy ang natu­rang mekanismong magbibigay daan para pumasok ang higit na kinakailangang pondo sa gitna ng dinaranas na krisis sa ekonomiya ng bansa.

Sa datos ng DOF, higit na malaki ang kontribusyon ng BOC na nakalikom ng P423 bilyon habang nasa halos P30 bilyon naman ang nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kalakip ng fuel-marking ng tinatayang 43.05 bilyong litro ng mga produktong petrolyo.

Batay sa imbentaryo ng nasabing programa, lumalabas na pinakamarami ang namarkahang krudo sa antas na 61%. Pumangalawa naman ang gasolina na may kabuuang 16.72 markadong bilyong litro. Hindi naman nagpaiwan ang kerosene may 218.15 milyong litrong dumaan sa pagsusuring kalakip ng fuel-marking program ng gobyerno.

Pinakamarami naman ang nasuri ng kawanihan sa Luzon kung saan aabot sa 31.81 bil­yong litro ang dumaan sa fuel marking ng BOC. Nasa panga­lawang pwesto naman ang Mindanao na nagtala ng 8.9 bil­yong litro, habang 2.34 bilyong litro naman ang nasuri sa mga lalawigang sakop ng Visayas.

Sa talaan ng mga oil companies, Petron naman ang nagtala ng pinakamataas na antas ng pagtugon. Katunayan, pumalo sa 10.47 bilyong litro – katumbas ng 24% — ng kabuuang dami ng sinuring langis ay mula sa naturang kumpanya.

Pumangalawa naman ang Shell na nagpasuri ng 7.69 bil­yong litro ng kanilang ibinebentang produktong petrolyo. Nasa ikatlong pwesto ang Unioil na nagsumite ng kabuuang 4.77 bil­yong litro para sa fuel-marking program ng pamahalaan.

Buwan ng Setyembre 2019 nang umpisang ipatupad ng pamahalaan ang fuel marking program sa hangaring tiyaking wasto at bayad ang excise at value-added taxes na kalakip ng binebentang produktong petrolyo sa merkado.
(JOEL AMONGO)

220

Related posts

Leave a Comment