HINDI kontrobersiyal na ahensya ng pamahalaan ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) kaya hindi gaanong nababalita at pinag-uusapan ng mga tao.
Isang beses ko nga lang nabalitaan ang NAPC kung saan ay pinag-usapan ng maraming tao, lalo na ng mga kabilang sa kaliwang grupo at komunista.
Marahil, umabot ang nangyari sa NAPC sa “The Netherlands” kung saan matagal nang nakatira si Jose Ma. Sison at ang kanyang maliit na pangkat ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ang kontrobersiyal na balitang binabanggit ko ay iyong pagtanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang opisyal dito, sa pangunguna ng pinuno nito, dahil sa talamak na korapsyon.
Biruin n’yo, narito sa Pilipinas ang kahirapang dapat na inaasikaso at sinusugpo ng mga opisyal ng NAPC, ngunit ang hilig-hilig magpunta sa ibang bansa, gamit ang pera ng mamamayan.
Sa pamumuno ni Secretary/Lead Convenor Noel Felongco sa NAPC, may napansin akong kakaiba sa komisyong ito.
Ang mga aktibidad ng NAPC ay mistulang regular na lumalabas sa FB page ng Koalisyon ng Maralita (KnM) na hindi ko nakikita sa mga organisasyon ng mga mahihirap na mamamayan at maralitang-lungsod.
Halimbawa na rito ang aktibidad noong Mayo 1, 2020 na pagdiriwang ng “Araw ng mga Manggagawa” kung saan ang endorsement letter ni Felongco kay DBM Secretary Wendel Avisado ay nakabalandra sa ‘wall’ ng KnM.
Ang nakapagtataka lang ay kung bakit sa tanggapan ng NAPC ipinapadala ang mga donasyon para sa KnM samantalang hindi naman nagtatrabaho sa gobyerno ang mga miyembro ng nasabing samahan.
Isa pang kataka-taka ay sa opisina rin ng NAPC pinapupunta ang mga volunteer para sa KnM.
Tanong: “Iisa ba ang opisina ng NAPC at KnM?”
Pakisagot nga Atty. Noel Felongco.
Isa pang tanong Ginoong Felongco, ang “pangkalahatang kalihim” ng KnM na si Elias Labro Jr. ay siya rin bang ‘chief of staff’ at ‘head executive assistant’ ninyo sa NAPC?
Huling tanong Atty. Felongco: “Naghahanda at nagtutulungan ba ang Koalisyon ng Maralita at NAPC para sa eleksyong party-list sa 2020 kung saan ikaw ang ‘first nominee’ at si Labro naman ang ‘second nominee’?”
Tawagan lamang ako sa 09985650271 para inyong mga kasagutan.
